Lacuna Manila Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo

Baseless na insulto, pangmamaliit dedma kay Mayor Honey

Edd Reyes Mar 29, 2025
25 Views

BINATIKOS ni Manila Mayor Honey Lacuna ang mga walang basehang pang-iinsulto sa kanyang pamumuno kasabay ng pagdepensa sa mga nagawa sa proclamation rally ng kanyang partido noong Biyernes sa Sampaloc, Manila.

“Napakarami na nating nagawa, at hindi tayo papayag na ang mga ito’y maliitin o insultuhin ninuman. Hindi man perpekto, ang Maynila natin hindi dugyot. Ang Maynila natin puno ng pangako at pag-asa,” sabi ng alkalde.

Walang takot ang alkalde sa pagbira sa kanyang katunggali na aniya’y hindi nakakasabay sa realidad dahil sa mga maling impormasyon o fake news na siya rin ang may gawa.

“Simple lang. Ang sabi ng mga mamamayan, hindi semento o ilaw ang hinahanap nila kundi trabaho. Ang sabi ni lolo’t lola, hindi lata ng gatas ang hinihingi nila kundi benepisyo. At ang sabi ng vendor sa Divisoria, hindi permiso ang hinihiling nila, kundi kapanatagan na hindi na muling babalik ang mga nangongotong sa kanila,” dagdag pa ng alkalde.

Tiniyak ng alkalde na hindi niya hahayaang sayangin aniya ng mga taksil diumano ang lahat ng serbisyo at benepisyong naibigay niya sa kanyang unang termino.

“Kaya’t sa bawat isang naririto, tuloy-tuloy na tayo!” sabi ni Lacuna.

“’Wag tayong manahimik dahil tayo ay tapat, hindi tayo korap. Tayo ay totoo, hindi tayo manloloko,” sabi ng mayor.

Sa hiwalay na panayam, sinabi ng alkalde na nakikiusap siya sa kanyang supporters na iwasang maglagay ng kanyang posters sa mga kable, poste at iba pang bawal na lugar, kundi sa mga wastong lugar lamang.