Calendar
Nanumpa si Davao City Mayor Sebastian ‘Baste’ Duterte bilang testigo ng prosekusyon sa ika-31 araw ng impeachment trail ni VP Sara Duterte nitong Setyembre 29, 2026. JOSEPH MUEGO
Baste: Alam ko ang GenCorp contracts kapag umabot sa mesa ko, pero di ko alam ang interes ni Sara

JOSEPH MUEGO
INAMIN ni Davao City Mayor Sebastian Baste Duterte nitong Martes na nalalaman niya ang mga kontrata ng GenCorp Industries Inc. kapag umaabot ang mga ito sa kanyang mesa, ngunit sinabi niyang hindi niya alam na idineklara ng kanyang kapatid na si Vice President Sara Duterte ang interes nito sa kumpanya.
Sa pagtatanong ni prosecution lawyer Atty. Theodore Ted Te sa Day 31 ng impeachment trial, pinag-iba ni Duterte ang kanyang kaalaman sa mga kontrata ng GenCorp sa Davao City at ang kaalaman sa idineklarang business interest ng Bise Presidente sa kumpanya.
Sinabi ni Duterte na kung umabot sa kanyang mesa ang isang kontrata, nalalaman niya ito.
Itinuon ni Atty. Te ang pagtatanong sa papel ni Duterte bilang alkalde at head of the procuring entity ng Davao City, kabilang ang kanyang awtoridad sa procurement at sa mga dokumentong umaabot sa kanyang tanggapan.
Tinanong din si Duterte tungkol sa delegation of authority kay City Attorney Atty. Tristan Dwight Domingo, na pinahintulutang kumilos para sa alkalde sa ilang procurement matters.
Nanindigan si Duterte na wala siyang independent knowledge tungkol sa interes ni Sara Duterte sa GenCorp at hindi siya pamilyar sa paglalagay nito sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth ng Bise Presidente.
Bago humarap sa impeachment court, sinabi ni Duterte na nagkaroon ang Davao City ng 19 transaksyon sa GenCorp na nagkakahalaga ng mahigit P33.2 milyon simula 2022.
Ayon kay Duterte, apat ang dumaan sa competitive public bidding at 15 sa small-value procurement. Sinabi rin niyang hindi lumitaw ang pangalan ni Sara Duterte o ang apelyidong Duterte sa mga corporate document na isinumite ng GenCorp sa lungsod.
Iginiit din niya na wala siyang kaalaman, gayundin ang ibang opisyal at empleyado ng Davao City, sa idineklarang interes ng Bise Presidente sa kumpanya.
Ang bilang na inilabas ng lungsod ay hindi tugma sa PhilGEPS records na naunang iniharap sa impeachment court.
Nagtestigo si PhilGEPS Electronic Government Procurement Operations Division Chief Rendell Sopeña na 15 Davao City contracts sa GenCorp na nagkakahalaga ng P34.216 milyon ang nakatala sa kanilang sistema.
Apat sa 15 ang dumaan sa public bidding at 11 sa negotiated small-value procurement.
Sa kabuuan, sinabi ni Sopeña na 49 government contracts na nagkakahalaga ng P35.878 milyon ang nakatala para sa GenCorp mula Hulyo 21, 2022 hanggang Hunyo 23, 2026.
Sa 49 contracts, 15 ang mula sa Davao City, 33 sa PhilHealth Region XI at isa sa OWWA Region XI.
Sa cross-examination, nilinaw ni Sopeña na ang PhilGEPS ay repository ng procurement information na ina-upload ng procuring entities at ang kanyang testimonya ay nakabatay sa mga rekord na nasa sistema.
Idineklara ni Sara Duterte ang GenCorp bilang business interest at financial connection sa kanyang 2024 at 2025 SALNs.
Ngunit nagtestigo si Securities and Exchange Commission Company Registration and Monitoring Department Director Atty. Gerardo del Rosario na hindi lumitaw ang pangalan ng Bise Presidente bilang incorporator sa GenCorp corporate records na kanyang sinuri.
Ang testimonya ni Duterte ay bahagi ng pagdinig sa Article II ng impeachment case, kung saan sinusuri ng prosekusyon ang SALNs, corporate records at business interests ng Bise Presidente.

