Calendar
Baste posibleng madiin sa ‘banta’ vs PBBM
NANINIWALA si House prosecutor at Bicol Saro Party List Rep. Terry Ridon na maaaring mas lalo pang madiin si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte sa mga naging pahayag nito laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na nais nitong kunin ang ulo ng Punong Ehekutibo.
Binigyang diin ng House prosecutor na maaaring palalimin pa ng National Bureau of Investigation (NBI) ang imbestigasyon nito upang matukoy kung ang pahayag ni Mayor Baste na nais nila ang ulo ni Pangulong Marcos Jr. ay nararapat pang imbestigahan bilang bahagi ng nagpapatuloy na pagsusuri sa mga posibleng banta sa seguridad.
Ayon kay Ridon, mismong ang NBI ang nagsabing seryoso nitong tinatrato ang mga naturang pahayag na sinusuri ng special task force nito.
“Kailangan ho itanong kay Director Matibag ‘yan. Kasi sila naman ‘yung nagsabi that they are taking these utterances seriously,” sabi ni Ridon.
Lumitaw ang isyu matapos iprisinta ni NBI Director Melvin Matibag ang isang video ng alkalde ng Davao City habang nagsasalita sa isang pagtitipon ng “Rage Coalition” na kabilang sa mga materyal na sinuri ng special task force.
Sinabi naman ni private prosecutor at legal spokesperson Benjamin “Jay” Tolosa Jr. na muling binalikan ng NBI ang naturang video dahil sa mga salitang ginamit ng alkalde.
“Nasabi niya, isa sa mga bagay na iyon ay nabalikan nila ‘yung video ni Davao City Mayor Baste Duterte kung saan sinabi niya doon sa isang pagpupulong ng Rage Coalition na iisang ulo ang gusto nila. Gusto nila ang ulo ng Presidente Marcos,” paliwanag ni Tolosa.
Inihambing umano ng mga imbestigador ang naturang pahayag sa naunang sinabi ni **Vice President Sara Z. Duterte** na may kaugnayan sa imahen ng pagpugot sa ulo ng Pangulo.
“At dahil dito, naiugnay niya ito doon sa naunang video na nakita na natin sa pamamagitan ng testimonyo ng dalawang witness natin na sinabi naman ng Vice Presidente sa isang interview na she was imagining cutting the head of the President,” dagdag ni Tolosa.
Ayon sa prosekusyon, ang pag-uulit ng magkahalintulad na mga pahayag ang naging bahagi ng batayan ng NBI sa pagtukoy kung ang mga ito ay isang hiwalay na insidente lamang o bahagi ng isang nagpapatuloy na banta sa seguridad.
“So dahil dito nakita nila na may pattern considering that these same words, these same threats came from the same family,” ani Tolosa.
Sinabi naman ni Ridon na ang anumang desisyon na palawakin o palalimin ang imbestigasyon ay nakasalalay sa NBI na siyang nagsasagawa ng pagsisiyasat.
“So tingnan naman natin kung mayroon silang pagpapalalim pa doon sa naganap ng event na ‘yan,” dagdag ni Ridon.
To God be the Glory

