Calendar
Trust rating di puwedeng gamitin para makaiwas sa pananagutan
BINIGYANG-DIIN ni private legal prosecutor at House prosecution panel spokesperson Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr. na hindi maaaring gamiting dahilan ang mataas na approval o trust rating ni Vice President Sara Z. Duterte at iba pang public official na nakagawa ng paglabag sa kanilang tungkulin para makaiwas sa kanilang pananagutan sa batas.
Ikinatuwiran ni Atty. Tolosa na hindi maituturing na dahilan ang mataas na approval o trust rating upang mapawalang-sala ang isang pampublikong opisyal na lumabag sa kanyang tungkuling itinakda ng Konstitusyon o upang makaiwas sa pananagutan sa isang impeachment trial.
Ang pahayag ni Atty. Tolosa ay matapos magprisinta ang depensa ng isang survey sa kanilang cross-examination kay National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag at iugnay ang resulta nito sa alegasyon ng “betrayal of public trust” o pagkakanulo sa tiwala ng publiko.
“Actually, kung mas madaming nagtiwala, hindi ba mas madaming tiwala ang pinagtaksilan? tanong ni Tolosa.
Sinabi ni Tolosa na nakasaad sa Article XI, Section 1 ng Konstitusyon na ang pampublikong katungkulan ay isang pampublikong tiwala at ang mga opisyal ng gobyerno ay dapat manatiling may pananagutan sa mamamayan.
“Ang pinag-uusapan dito na betrayal of public trust, ang pinagagalingan ‘yan sa Constitution, nakalagay dyan, public office is a public trust. Public officials should always be accountable to the people whom they serve,” paliwanag ni Tolosa.
Ang Article IV ng impeachment case ay tumatalakay sa umano’y mga pagbabanta ni VP Duterte laban kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.
Ayon kay Tolosa, ang mahalagang usapin ay kung ang umano’y naging kilos ni Duterte ay naaayon sa kanyang sinumpaang tungkulin na tapat na ipatupad ang mga batas ng bansa.
“Pero tulad ng sinabi ng NBI Director Matibag kanina, mukhang hindi execute the laws of the land ang ginawa, execute the President ang gusto,” diin ni Tolosa.
Samantala, sinabi naman ni House trial spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na dapat ding isaalang-alang kung kailan isinagawa ang naturang survey.
“Itong survey, minsan kasi nagma-matter din ‘yung timeline kung kailan ito kinonduct. Minsan di natin alam kung kailan nila ito kinonduct. Maybe prior to the trial,” ani Adiong.
Dagdag pa ni Adiong, hindi maaaring gawing kapalit ng pagsusuri ng Senate impeachment court sa asal at kakayahan ni Duterte na manatili sa puwesto ang pabagu-bagong resulta ng mga survey.
“But my point is, hindi ‘yan continuous na maging basis mo or take the survey as a biblical truth level. Kasi hindi ‘yan sustainable, ‘yung pag-akyat, minsan bumababa,” paliwanag ni Adiong.
Iginiit naman ni Tolosa na ang pagiging popular ng isang opisyal ay hindi nagpapababa sa pananagutang kaakibat ng pagiging pangalawang pinakamataas na halal na opisyal ng bansa.
“So, regardless kung gano’ng kataas ang approval rating, itong ganitong aksyon, napakaliwanag na isa ho itong pagtataksil doon sa tiwala ng bayan na binigay sa pangalawang pinakamataas na lingkod-bayan noong hinalal siya at niluklok sa puwesto,” ani Adiong.
