MMDA Source: MMDA file photo

Basurero binoga ng sekyu dahil sa kalat, agaw-buhay

20 Views

AGAW-buhay ang isang basurero nang barilin ng security guard dahil umano sa pagkakalat sa binabantayang restaurant ng sekyu sa Quezon City noong Huwebes.

Nahaharap sa kasong frustrated homicide ang suspek na si Remwil Garcera, 58, security guard ng Kamay Kainan, ayon sa mga pulis.

Nasa kustodiya na ng Quezon City Police District (QCPD) Kamuning police station 10 ang suspek at ginagamot naman ang biktimang si Mark Oliveros, 37, sa East Avenue Medical Center (EAMC).

Batay sa imbestigasyon, nangyari ang insidente bandang alas-10:00 ng umaga sa harap ng Kamay Kainan sa Malamig St. at Kalayaan Avenue, Brgy. Central, Quezon City.

Sinita umano ng suspek ang biktima dahil sa pagkakalat nito sa harap ng nasabing restaurant.

Ikinagalit ng biktima ang paninita kaya nauwi sa mainitang pagtatalo na humantong sa pagpulot ng bato ni Oliveros.

Sa akmang babatuhin ng biktima ang suspek, binunot ng sekyu ang kanyang 38 caliber na baril at tatlong beses pinaputukan ang biktima.

Nagtamo ng tama sa kanang tiyan ang biktima. Naaresto ang suspek matapos ang follow up operation at narekober sa kanya ang 38 caliber revolver at 6 na bala.