Calendar
Mga larawan: Office of the Executive Secretary
Batas para sa bawas-presyo ng langis pinupukpok ni PBBM
PINAGTIBAY bilang urgent ni Ferdinand Marcos Jr. ang panukalang batas na magbibigay kapangyarihan sa Pangulo na suspindihin o bawasan ang excise tax sa petroleum products kapag may pambansa o pandaigdigang krisis.
Sa liham na ipinadala sa Faustino Dy III, hiniling ng Pangulo ang agarang pagpasa ng House Bill No. 8418 upang agad makakilos ang pamahalaan kapag sumirit ang presyo ng langis.
Layunin ng panukala na pahintulutan ang Pangulo na pansamantalang bawasan o alisin ang buwis sa produktong petrolyo kapag may national emergency o global economic crisis—hakbang na maaaring makatulong para mapababa o makontrol ang presyo ng gasolina, diesel at iba pang fuel products sa bansa.
Ayon sa dokumento mula sa Malacañang Palace, mahalaga ang batas upang mabilis na makaresponde ang gobyerno sa matinding paggalaw ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado at maiwasan ang mas mabigat na epekto nito sa ekonomiya at sa bulsa ng mga Pilipino.
Nakasaad din na kapag naisabatas, magiging mas mabilis ang aksyon ng gobyerno sa panahon ng krisis—lalo na kung may malalang economic disruptions na direktang nakaaapekto sa presyo ng fuel sa bansa.

