Calendar
Batayan ng contempt move vs NBI kinuwestyon ni Sotto
MAY paglabag ba na naganap nang i-cite in contempt ng Senado ang ilang tauhan ng National Bureau of Investigation na umano’y humabol kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa sa loob ng Senate premises?
Ito ang usaping lumutang sa plenaryo matapos kuwestiyunin ni dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang batayan ng contempt move at hilingin ang reconsideration nito, habang unang nagtaas si Senador Panfilo “Ping” Lacson ng parliamentary inquiry kung paano nabilang ang kanyang boto at nagbigay ng sariling punto sa procedural concerns.
Nagsimula ang talakayan nang tumayo si Lacson bago ang pag-apruba sa journal at tinanong kung paano nabilang ang kanyang boto kaugnay ng mosyon noong nakaraang araw na i-cite in contempt ang mga indibidwal na umano’y humabol kay Dela Rosa.
Sinabi ni Lacson na wala siya sa session hall nang gawin ang mosyon. Aniya, nasa lounge siya kasama sina Sotto, Senador Risa Hontiveros, Senador Francis “Kiko” Pangilinan at isa pang senador habang mino-monitor nila ang nagpapatuloy na sesyon.
“We were at the lounge along with Sen. Tito Sotto, Sen. Risa, Sen. Kiko and Sen. Rumix. We were at the lounge and we were monitoring the proceedings, the ongoing session,” ani Lacson.
“To say that my vote is counted along with the others because it says here unanimous, that’s why I stood up before we approved the journal,” dagdag pa niya.
Ipinaliwanag naman ni Senate President Alan Peter Cayetano na batay sa tradisyon ng Senado, kapag inaprubahan ang isang mosyon nang walang objection, itinuturing na pabor ang mga senador na sumagot sa roll call.
Sinabi ni Cayetano na maaaring i-refer ang usapin sa Committee on Rules upang malinawan ang record at ang naging praktis ng kapulungan.
“For a full explanation of that, I will refer to the Committee on Rules because to my knowledge, that is the tradition of this chamber,” ani Cayetano.
Nilinaw ni Lacson na hindi niya kinukuwestiyon ang sentimyento ng Senado na protektahan si Dela Rosa, na tinukoy niya bilang kapwa Cavalier, dating subordinate sa defunct Presidential Anti-Organized Crime Task Force, at kapwa senador.
Ang punto niya, aniya, ay ang prosesong sinunod sa pag-cite in contempt sa mga tauhan ng NBI.
Binanggit ni Lacson ang desisyon ng Supreme Court sa Pharmally-related case nina Linconn Uy Ong at Michael Yang Hong Ming laban sa Senado, kung saan binigyang-diin ng Mataas na Hukuman na ang contempt power ng Senado ay dapat pa ring sumunod sa due process.
Ang nasabing kaso ay may kaugnayan sa contempt at arrest orders na inilabas ng Senate Blue Ribbon Committee laban sa Pharmally resource persons. Tinukoy ni Lacson na itinakda ng Supreme Court ang mas mahigpit na pagtalima sa due process sa paggamit ng contempt power, lalo na sa legislative proceedings.
“So procedurally incorrect or infirm yung ating ginawa,” ani Lacson, na tumutukoy sa contempt action noong nakaraang araw.
Dito na sumali si Sotto sa talakayan at mas direktang kinuwestiyon ang contempt move.
Bagama’t kinilala niya ang praktis ng Senado na ituring na pabor ang mga naroon sa roll call kapag walang objection sa isang mosyon, sinabi ni Sotto na nais niyang ipa-reconsider ang contempt motion.
“In that case, then one of us or I who have voted in favor based on our tradition would like a reconsideration of the motion to contempt,” ani Sotto.
Binigyang-diin ni Sotto na ang kanyang posisyon ay walang kinalaman sa mga NBI agents, kay Dela Rosa, o sa pulitikal na usapin sa likod ng insidente.
Iginiit niya na batay sa Senate rules, hindi lumilitaw na may pangkalahatang kapangyarihan ang plenaryo na mag-cite in contempt sa labas ng mga partikular na proceedings.
“Based on our rules, the rules of the Senate and it is consistent with the fact of the contempt power of the Senate is limited only during inquiries in aid of legislation,” ani Sotto.
“The impeachment court is empowered too, but not the Senate. I cannot find it in the rules,” dagdag pa niya.
Ayon kay Sotto, ang contempt power na binabanggit sa Senate rules ay tumutukoy sa mga testigong humaharap sa mga committee hearing in aid of legislation, o sa Senado kapag ito ay nakaupo bilang impeachment court.
Tinukoy din niya ang tungkulin ng Sergeant-at-Arms na ipatupad ang contempt citations na inilalabas ng mga Senate committee, na aniya’y nagpapakita na ang rules ay nakatuon sa committee proceedings at hindi sa awtomatikong kapangyarihan ng plenaryo na magparusa ng contempt.
May ibang pananaw naman si Cayetano.
Ayon kay Cayetano, maaari ring kumilos ang Senado sa ilalim ng prinsipyo ng self-preservation, lalo na kung may kilos na umano’y nakikialam sa institusyon o humahadlang sa pagdalo ng isang senador sa sesyon.
Sinabi ni Cayetano na seryoso ang isyu dahil sangkot dito ang dignidad at kalayaan ng Senado bilang institusyon.
Aniya, kailangang pag-aralan nang mabuti ang mga pangyayari kaugnay ni Dela Rosa at ng NBI, hindi lamang mula sa usapin ng legislative contempt kundi maging sa kapangyarihan ng Senado na panatilihin ang kaayusan at protektahan ang sariling proceedings.
Gayunman, pumayag si Cayetano na dapat pang repasuhin ang usapin.
Kalaunan, pumayag ang Senado na i-refer ang contempt issue sa Senate legal department, kasama ang mga abogado mula sa tanggapan ng lahat ng 24 senador upang makilahok sa pag-aaral.
Ipinagpaliban din muna ang reconsideration ng contempt move habang hinihintay ang legal review.
Ipinakita ng debate ang mas maingat na pagharap ng Senado isang araw matapos ang tensyon kaugnay ng insidente nina Dela Rosa at ng NBI personnel, habang sinisikap ng mga senador na timbangin ang proteksyon sa institusyon, due process, at limitasyon ng contempt power ng kapulungan.
Muling inilagay ng usapin ang Pharmally ruling sa gitna ng debate sa Senado, hindi na kaugnay ng mga resource person sa committee hearing, kundi sa tanong kung maaari bang i-cite in contempt ng kapulungan ang law enforcement agents matapos ang isang insidente sa loob ng Senate grounds.
