Calendar
Sotto: Ako ay pro-Constitution, pro-Philippines
“HINDI ako pro-impeachment, hindi ako anti-impeachment. I’m pro-Constitution. I’m pro-Philippines,” pahayag ni dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III nitong Martes kaugnay ng panawagan na sundin ng Senado ang Konstitusyon sa pagharap sa posibleng impeachment proceedings.
Ginawa ni Sotto ang pahayag matapos siyang tanungin tungkol sa panawagan ng mga law dean at professor na kumilos ang Senado alinsunod sa Konstitusyon.
Ayon kay Sotto, hindi siya pabor o kontra sa impeachment, dahil ang kanyang paninindigan ay nakabatay sa Konstitusyon at sa kapakanan ng bansa.
“So kung kakausapin ako ni Sen. Cayetano na yun ang susundin niya, yung suggestions ko, mabuti, maraming salamat,” ani Sotto, na tumutukoy kay Senate President Alan Peter Cayetano.
Ang pahayag ni Sotto ay ginawa isang araw matapos ang biglaang pagpapalit ng liderato sa Senado kung saan pinalitan siya ni Cayetano bilang Senate President.
Sa hiwalay na ambush interview sa hallway ng Senado, sinabi ni Sotto na patuloy na gagampanan ng bagong minorya ang tungkulin nito bilang mga senador, nasa mayorya man o minorya.
“We’ll be Senators. Real Senators. Ganon pa rin, whether majority or minority, opisyal o hindi, dapat Senador ka. Always stand up for the people, stand up for what is right,” ani Sotto.
Itinanggi rin ni Sotto na may ginawa siyang mali matapos umanong sumama ang loob ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa kaugnay ng paghawak sa sinasabing tangka ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation na isilbi ang warrant laban sa kanya sa Senado.
Sinabi ni Sotto na sinabi lamang niya sa kinatawan ng NBI na lumapit sa kanya na i-coordinate ang usapin sa Office of the Senate Sergeant-at-Arms.
“Apparently, hindi niya alam. Kaya siya sasama ang loob niya kasi hindi niya alam ang nangyari. Iba kaagad yung bintang nila,” ani Sotto sa ambush interview sa Senate plenary hall.
Ayon kay Sotto, isang kinatawan ng NBI ang lumapit sa kanya noong Lunes ng umaga at nagsabing mayroon silang warrant para kay Dela Rosa.
“Sabi ko, coordinate it sa OSAA. E sino naman mag-aakala dadating siya? Di ko naman alam,” ani Sotto.
Nang tanungin kung alam niya na pupunta si Dela Rosa sa Senado, sinabi ni Sotto na wala siyang natanggap na impormasyon tungkol dito.
“Wala. Wala,” aniya.
Sinabi rin ni Sotto na nagulat siya sa pagdating ni Dela Rosa, dahil ang alam lamang niya ay may napaulat na warrant ngunit hindi niya alam na magpapakita ang senador sa Senado matapos ang ilang buwang hindi pagdalo.
Nang tanungin kung balak niyang humingi ng paumanhin kay Dela Rosa, sinabi ni Sotto: “Bakit? I did not do anything wrong. Wala naman akong obstruction of justice na ginawa. Wala rin akong ginawang masama para sa kanya.”
“How will I know that he’s coming after seven months of absence to unseat a sitting Senate President? How will I know that?” dagdag pa ni Sotto.
Minaliit naman ni Sotto ang tanong kung may plano siyang bawiin ang liderato ng Senado.
“Hay naku, tigilan na muna yan,” aniya.
Nang tanungin kung may hinanakit siya kay Senador Loren Legarda, na sumama sa bagong mayorya, sinabi ni Sotto na nagtataka lamang siya.
“Hindi naman siguro. Nagtataka lang ako. Ganon lang. Nakakapagtaka. Hindi, hindi nagpaalam,” ani Sotto.
Sinabi ni Sotto na hindi na bago sa kanya ang pagpapalit ng liderato sa Senado dahil ilang beses na niya itong nasaksihan mula pa noong panahon ng yumaong Senate President Neptali Gonzales.
“I have been in leadership change for eight times. Eight times na ako eh,” aniya.
Binanggit din ni Sotto ang sinabi noon ni Gonzales na sa politika, hindi palaging nangingibabaw ang loyalty, friendship at salita sa mga desisyon.
“Loyalty, friendship, the word given sometimes is of no moment. Lahat mayroon kanyang agenda. Ganoon yung ibang Senador,” ani Sotto.
Nagpatuloy ang sesyon ng Senado nitong Martes sa gitna ng mahigpit na seguridad at patuloy na pag-uusap ng mga senador matapos ang insidente kaugnay ni Dela Rosa at ang pagpapalit ng liderato.
