BBM

BBM isusulong ang peace talks

285 Views

IGINIIT ni presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na isusulong niya ang usapang pangkapayapaan at pagpapalawak sa mandato ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) para makamit ang kapayapaan at wakasan ang rebelyon sa bansa.

“Kahit na anong gawin mong paliwanag, hindi ako maaaring sumang-ayon sa ideyolohiya na may kasamang armed struggle kahit na ano mang dahilan wala na talaga sa batas ‘yan,” ayon kay Marcos nang humarap siya sa apat na oras na SMNI Presidential Debate 2022 nitong Martes ng gabi sa Okada hotel.

Tinanong din si Marcos at iba pang presidential bets ng isang nanay na ang anak ay nasawi sa roadside bombing na ginawa ng mga teroristang NPA sa Masbate noong Hunyo ng nakaraang taon, ukol sa plano nila kung paano wawakasan ang insurhensiya.

“Ang unang responsibilidad ng kahit sino na elective official sa aming pagsusumpa is to defend and protect the Constitution of the Republic of the Philippines and that includes the defense of our people and of our republic kaya kung may lumalaban at gustong pabagsakin ang gobyerno ay kailangan depensahan ng estado ang kanyang sarili at ang kapakanan ng taong-bayan,” tugon ni Marcos.

“Dapat tuloy-tuloy ang ating gawing peace talks hanggang magkaroon na tayo ng talagang tunay na agreement ng kapayapaan. Kasama dyan ‘yung Balik Loob program na ginagawa. Ipagpatuloy natin ‘yan nakasabay ‘yung NTF-ELCAC na naging very effective doon sa ating paglaban sa problemang ito,” dagdag niya.

Bagama’t bukas si Marcos sa mapayapang paraan para wakasan ang problema, iginiit nito na hindi niya papayagan ang sinumang teroristang grupo na wasakin ang ating bansa.

“Unang-una ang depinisyon ng terorista ay ‘yung nagdadala ng violence sa mga non-combatant na mga sibilyan, kaya sila ginawang terorista ngayon. Papaano naman natin na papayagan at sasabihin na tumutulong sa atin o kaibigan natin ang isang grupo na nambobomba, namamaril, at hindi lamang ‘yung mga sundalo, hindi lamang ‘yung mga pulis kung hindi ang isang football player na walang kinalaman,” paliwanag ni Marcos.

“Sa palagay ko ay wala na tayong ibang maaring sabihin kundi tratuhin silang kalaban dahil kinakalaban tayo kaya’t kailangan nating ipagtanggol ang ating sarili,” aniya.

Kamakailan ay inanunsyo ni Marcos na plano niyang maglaan ng karagdagang pondo sa NTF-ELCAC kung sakaling papalarin na manalo sa halalan para magampanan ng tama ng ahensya ang kanilang tungkulin.