BBM1

BBM Isusulong Iloilo-Guimaras-Negros Bridge

459 Views

ILOILO CITY – Nais ni presidential bet Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na ipagpatuloy ang matagal ng plano na Iloilo–Guimaras–Negros Link Bridge project na aniya makakatulong upang magkaroon ng mas malawak na progreso at pag-unlad sa mga nasabing lalawigan kung siya ay papalaring manalo sa darating na halalan.

Laking galak ng kanyang mga Ilonggo supporters ng ito ay kanyang binahagi sa kanila sa grand rally ng UniTeam na isinagawa sa Tamasak Arena, Barotac Nuevo nitong Huwebes.

“Kailangan po nating ipagpatuloy ang sinimulan ni Pangulong Duterte na ‘Build, Build, Build’ program sa imprastraktura. Pinag-uusapan nga namin kanina kung papaano ang gagawin para matuloy na ‘yung tulay na manggagaling sa Iloilo hanggang Guimaras hanggang sa Negros. Para mabuksan na natin at dumami ang economic activity dito,” sabi ni Marcos sa harap ng mahigit 10,000 UniTeam supporters na dumalo at naghintay upang siya ay masilayan.

Iminungkahi noong 2017, ang tulay na ito ang magiging pinakamahaba sa Kanlurang Kabisayaan at isa sa pinakamahabang tulay sa bansa pag nagkataon dahil aabot ng 32 kilometro ang haba nito na hahatiin sa dalawang bahagi — 13 kilometrong Panay-Guimaras link, at ang Guimaras-Negros link na may 19.47 kilometro.

“Isa ‘yun sa mga project na pino-propose at kailangan pag-aralan kasi hndi naman gobyerno ang magbabayad niyan. At kung hihingi tayo ng tulong sa ibang lugar kailangan naman maipakita natin sa kanila ang ganansya. Isa ito sa laging napag-uusapan when it comes to our infrastructure development,” sabi ni Marcos sa local media.

Hangad ni Marcos na maituloy ang proyektong ito dahil ito ay naaayon sa kanyang panawagan ng pagkakaisa, naniniwala siya na sa pagkakaisa ng bawat Pilipino ay makakamit ng bansa ang mga minimithi nito.

“Siguro naman kahit hindi tayo nagkakasundo sa pulitika magkakasundo tayo sa adhikain na pagandahin ang Pilipinas. Doon tayo magsimula. Gawin natin itong tuntungan para maabot ang ating nagkakaisang pangarap na iahon ang bayan mula sa pagkakalugmok nito. Tanging ang pagkakaisa lamang ang ating maaaring asahan,” sabi niya.

Pinangako ni Marcos na matutuloy ang proyekto dahil na rin sa malaking tulong nito sa ekonomiya ng probinsya lalo na sa industriya ng asukal.

“Maligaya kami at narinig naming kasama ang probinsiya ng Panay sa kaniyang mga plano kahit alam niyang hindi siya gaano nakakuha ng maraming boto dito noong tumakbo siya bilang ikalawang-pangulo. Nagpapakita lang ito kung gaano kaayos ang kaniyang magiging liderato kung siya ay mahahalal na pangulo,” sabi ni Aklan gubernatorial candidate William Lachica.

Dagdag pa ni Lachica kita niya ang kaibahan ng pagbisita ni Marcos ngayon sa lalawigan dahil mas mainit na pagsalubong ang ibinibigay sa kanya ng mga Ilonggo kumpara noong 2016.

Kinumpirma na ng Department of Public Works and Highways ang pagsisimula ng engineering services para sa pagpapatayo ng tulay. Nakakuha ang bansa ng suportang pinansiyal sa Export-Import Bank of Korea na galing sa gobyerno ng South Korea.

Unang iminungkahi ang proyekto noong administration ni dating pangulo Ferdinand E. Marcos Sr., ang tulay na ito ang magdudugtong upang makatawid ang mga tao mula Iloilo hanggang Guimaras at Bacolod na makakatulong ng husto sa komersiyo, turismo at iba pang mahalagang paglalakbay.