BBM

BBM: Libreng health insurance sa lahat ng senior citizen

505 Views

SINABI ni Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard-bearer Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na panahon na upang magkaroon ng libreng health insurance para sa lahat ng senior citizens sa bansa.

Sa SMNI Presidential Debate 2022, natanong si Marcos kung ano ang plano nito sa mahigit 12 milyong senior citizens sa Pilipinas.

“Siguro ang pinakauna bago pa tayo magpapasa ng bagong batas na napakahilig nating gawin, hindi pa natin naiimplementa yung batas ngayon sa pagbigay ng benepisyo para sa mga senior citizens, para sa mga retirees,” ani Marcos.

Unti-unti ay naipatutupad na ito aniya ngayon ngunit ang tingin ni Marcos dito ay hindi pa sapat para maibsan ang anumang pag-aalala na taglay ng bawat senior citizens.

“Mahalaga ito dahil alalahanin natin na ang mga senior citizens kadalasan ay hindi na nagtatrabaho at meron talaga dahil may edad na, may karamdaman din. Kaya siguro idagdag natin dun sa pension ay ‘yung pagbayad na ng kanilang health insurance. Ang gobyerno na ang magbabayad ng kanilang health insurance para kapag meron silang pangangailangan, may karamdaman sila, meron silang pambayad,” sabi pa ni Marcos.

Sa kasalukuyan, ilan sa mga natatanggap na benepisyo ng mga senior citizens ay ang 20% discount at VAT exemption sa mga mabibiling gamot, pagkain, bayad sa pasahe at kahit doctors fee and hospital bills.

Para kay Marcos, kung magkakaroon ng kabuuang libreng health insurance ang lahat ng senior citizens, malaking ginhawa at tulong ito para sa kanila, gayundin sa kanilang pamilya.

Idinagdag pa ni Marcos na marami ring senior citizens ngayon ang nakararanas ng diskriminasyon. May mga senior citizen kasi ngayon na kaya naman at nais pang magtrabaho ay hindi na tinatanggap ng ilang kompanya.

“’Yung ganyang klaseng pagpipili ng bata lamang para makapasok sa trabaho kung kaya namang gawin ng isang nakakatanda eh bakit hindi, we should not discriminate against them and should allow them to continue to work,” dagdag pa ni Marcos.