Calendar
BBM Pambato ng magkaribal sa politika
Sa Pangasinan
HINDI hadlang sa dalawang pinakamalalaking political leader sa Pangasinan ang napipinto nilang tunggalian sa pagka-gobernador upang pareho nilang suportahan ang kandidatura ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos sa pagka-pangulo ng bansa.
Dahil dito ay pinatunayan nina incumbent Gov. Amado ‘Pogi” Espino III at 5th District Rep. Ramon Guico III, na kapwa sila naniniwala at sumusuporta sa panawagang pagkakaisa ni Marcos.
Si gubernatorial candidate Ramon Guico ang nag-organisa ng malawakang caravan sa probinsya ng Pangasinan para kay Marcos at sinuyod nila ang ibat-ibang bayan mula Dagupan hanggang Manaoag, kung saan libo-libong tao ang nag-abang at nagpakita ng suporta sa kanila.
Nagsagawa rin sila ng grand rally sa ibat-ibang lugar sa Pangasinan, una sa Alaminos at pangalawa sa Dagupan na pawang dinagsa din ng libo-libong tagasuporta na nagpahayag ng kanilang paniniwala sa adhikaing pagtutulungan at pagkakaisa ni Marcos.
Sinabi ni Marcos sa kanyang talumpati na magkakaiba man ang kanilang partido ay dapat magkaisa pa rin sila para sa ikakaunlad ng bansa.
“Lagi ko ngang sinasabi na kahit tayo ay magkakaiba ng partido, tulad na lamang ng aming mga senador, kami ni Inday Sara na nagmula sa ibang partido, mula sa magkabilang dako ng Pilipinas, kami ay nagkaisa at nagsama para sa ating bansa.” ayon sa kanya.
“Kaya naman itong kilusang pagkakaisa na sinusulong namin ay nagsimula na dito sa Pangasinan, kitang-kita naman sa mainit na pagsalubong niyo sa BBM-Sara UniTeam,” dagdag niya.
Sa harap naman ng daang-libong Pangasinense, sinabi ni Guico na si Marcos ay magaling, matalino at pinakamamahal ng tao kaya siya ang karapat-dapat na sumunod na pangulo ng bansa at suportahan ng Pangasinan.
“Sa lahat ng kandidato ngayon, si Bongbong Marcos lang ang nakikita kong magaling, matalino at kahit saan man pumunta ay makikita mo na mahal na mahal siya ng mga tao,” ayon kay Guico.
“Kaya dapat nating siyang suportahan sa kanyang kandidatura, lalo na dito sa Pangasinan.” dagdag ni Guico.
Nagkaroon naman ng pakikipagpulong si Marcos sa kasalukuyang gobernador ng Pangasinan na si Espino kasama ang ilang miembro ng Sangguniang Panlalawigan sa kapitolyo sa Lingayen.
Doon ay tinalakay nila ang ilang suliranin sa lalawigan partikular ang tungkol sa agrikultura at mga programang lilikha ng mga trabaho para sa mga mamamayan ng lalawigan.
“We will set something para din po sa grupo namin sir, thank you very much sir for the visit, I know you are very busy, solid north tayo sir.” sabi ni Espino.
Sumunod naman nakipagpulong si Vice Governor Mark Lambino na running-mate ni Guico kasama ang ilang sa kanyang mga kaalyado at sinabing tutulong sila sa probinsiya ng Pangasinan.
“We will show you sir that Pangasinan is for BBM, we will deliver sir, lagi nga namin sinasabi na ikaw ang presidente namin, tuwang-tuwa yung mga tao sir, gusting-gusto kayo ng mga Pangasinense sir.” ani Lambino.
Nagpasalamat naman si Marcos sa mainit na pagtanggap sa kanya ng mga Pangasinense.
Pagkatapos ng mahabang caravan at pagdaraos ng grand rally sa iba’t-ibang bayan, huling pinuntahan ng kampo ni Marcos at ng kasamang mga senador ang bayan ng Rosales, Pangasinan upang pasinayaan ang bagong action center ng BBM-Sara UniTeam.