Calendar
BBM wawakasan brownout sa Bicol
TINIYAK ni Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard-bearer Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., na hindi na muli dadanasin ng mga Bicolanos ang problema nila sa brownout dahil isa ito sa mga aayusin niya sa Bicolandia sakaling manalo siya sa darating na May 9, 2022 national elections.
Ayon kay Marcos, ramdam niya ang labis na hirap at pasakit na dinaranas ng mga Bicolano ngayon bunsod ng walang katapusang problema sa brownout.
Aniya ang problema sa brownout ay mahigit isang dekada nang idinadaing ng mga Bicolanos.
“Ang laking epekto nito sa pang-araw-araw na ikinabubuhay ng ating mga kababayan. Hindi na nga sila komportable sa kanilang sariling tahanan at opisina, marami nang appliances tiyak ang sinira dahil sa walang katapusang brownout sa Bicolandia,” ani Marcos.
Ang masaklap, lalong tumitindi ang problema sa brownout sa tuwing nasasalanta sila ng malalakas na bagyo tulad ng Typhoon Quinta, Ulysses, Super Typhoon Rolly at ang Bagyong Odette nitong nagdaang Disyempre.
Ngayong pandemya, napakalaking perwisyo rin ng brownout para naman sa online class ng mga bata.
Ang Bicol Region na madalas daanan ng malalakas na bagyo ay binubuo ng anim na probinsya tulad ng Albay, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Masbate at Sorsogon.
Sinabi ni Marcos na bukod sa mga ‘temporary solution’ na isinasagawa ngayon para maibsan ang problema sa brownout, ang dapat gawin ng pamahalaan ay magkaroon ng pangmatagalang solusyon.
Kung matatandaan, ang probinsiya ni Marcos sa Ilocos region ang labis na hinahangaan ngayon dahil sa matagumpay na Wind Farm sa Bangui Bay shoreline sa Ilocos Norte.
Ang Wind Farm na ito ang pinagkukunan ng malaking bahagi ng enerhiya sa lalawigan kaya mababa ang singil sa kuryente, bukod pa sa isa na ito ngayong tourist attraction.
Sinabi ni Marcos na napapanahong pag-aralang muli ang iba’t ibang alternatibong paraan na pagkukunan ng enerhiya na malaking tulong sa ating mga kababayan.
“Ang gagamitin natin is natural sources of energy. Hindi na tayo gagamit ng coal. Hindi gagamit ng fossil fuel. Kailangan meron tayong kapalit and the renewables ay (always) available,” ani Marcos.
Ilan sa maaring pagkunan ng renewable energy ay ang sikat ng araw, hangin, ulan, alon sa dagat at geothermal heat.
Bukod sa labis na pahirap sa taumbayan, ang mataas na singil ng kuryente ang sa tunay na dahilan kung bakit maraming negosyante ang natatakot na mamuhunan sa bansa.
“This has been a constant sticking point with all of our investors not only foreign investors even the local investors. Kapag tinatanong mo yung mga negosyante na gustong magtayo ng planta, gustong magtayo ng manufacturing ‘yun ang inirereklamo nila. Sinsasabi nila ang taas masyado ng kuryente nila, hindi kami maka-compete sa ibang lugar,” dagdag pa ni Marcos.
Naniniwala si Marcos na magiging matagumpay ang kanyang plano kung ipatutupad ito sa pamamagitan ng Public-Private Partnership (PPP).
Sa kasalukuyan, ilang Bicolano na ang napipilitang magpatayo ng sarili nilang solar panel, ngunit hindi lahat ay kayang makabili at makapagpatayo nito.
Iyong iba naman ay umiiyak na rin sa mataas na presyo ng gasolina at krudo para sa ginagamit nilang generator set.
“Hindi dapat ganito ang sitwasyon sa Bicol dahil tungkulin ng estado na bigyan ng maayos na pamumuhay ang ating mga kababayan,” sabi pa niya.
Ilang eksperto sa Bicol ang nagsabing dapat ang linya ng kuryente sa kanila ay sa pamamagitan ng ‘underground distribution’ upang makaiwas sa anumang pagkakasira dulot ng bagyo.
Napapanahon din aniyang magkaroon ng direktang pakikipag-ugnayan para sa mga electric cooperative sa probinsiya upang marinig din ang kanilang suhestiyon at testimonya kung ano talaga ang tunay na dahilan kung bakit hindi masugpo ang problema ng brownout sa probinsiya.
“Lahat ng aspeto kailangan nating tingnan. Napakahalaga ng murang kuryente at sapat na enerhiya. Can you imagine iyong mga batang paslit na may sakit na hika tapos kailangan silang ma-nebulize at hindi ma-nebulize dahil walang kuryente? Lalo lang sila magkakasakit lalo kasi hindi sila komportable dahil brownout sa kanilang bahay. Paano pa ang ating mga senior citizens,” dagdag pa ni Marcos.