Calendar

BDO Foundation, SEC nagtulong mawarningan mga Pilipino vs investment scams


Sources: SEC
“DOBLE o higit pa buwan-buwan na kita… Malamang scam ‘yan!”
Ito ang mariing paalala ng BDO Foundation at Securities and Exchange Commission (SEC) sa publiko sa gitna ng patuloy na pagdami ng mga investment scam sa bansa.
Sa kanilang pinakabagong proyekto, inilunsad ng dalawang ahensiya ang dalawang entertaining pero malaman na investor protection videos para turuan ang mga Pilipino kung paano umiwas sa panloloko.
Ang mga bidyong pinamagatang “Check with SEC” at “Legit Investments? It’s a Date” ay inilabas upang ibunyag ang mga karaniwang “red flag” sa mga investment scam, ituro kung anong mga tanong ang kailangang itanong bago mag-invest, at hikayatin ang publiko na i-check muna sa SEC ang legalidad ng mga ino-offer na investment.
“Doble o higit pa buwan-buwan na kita… Malamang scam ‘yan!” — Isa ito sa mga paalala sa music video na “Check with SEC,” kung saan inisa-isa ang ilang scam tactics tulad ng pangakong “doble ang kita” buwan-buwan, panghihikayat na mag-recruit ng bagong investors para sa bonus, at pagdedeposito ng pera sa personal na account ng agent.
Ayon sa SEC, matagal nang ginagamit ang mga ganitong estilo para makapanloko ng mga Pilipinong nangangarap umasenso. Lalo pang ginagawang kaakit-akit ng scammers ang kanilang mga alok sa pamamagitan ng high-yielding returns na nakapanlilinlang.
Samantala, tampok sa video na “Legit Investments? It’s a Date” ang kwento ni Aldea, isang karakter na sumubok suriin ang tatlong investment opportunities. Sa bandang huli, nahanap niya ang “the one” — hindi sa pag-ibig, kundi sa tamang investment — matapos niyang maintindihan ang papel ng isang investor, alamin ang tunay na kalakaran ng negosyo, at humingi ng mga tamang dokumento.
Mahalagang paalala rin ng video: ang pagiging SEC-registered ng isang kumpanya ay hindi awtomatikong nangangahulugang lisensyado na itong magbenta ng investment products. Ilan sa mga dapat hanapin ng publiko ay ang permit to sell or offer securities, order of registration, prospectus, at salesman certificate.
Ang dalawang videos ay kasalukuyang mapapanood sa Facebook page ng SEC at sa BDO Foundation YouTube playlist, at ilalarga rin sa mga training seminars at on-ground campaigns sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa panig ng BDO Foundation, binigyang-diin ni Foundation President Mario Deriquito na, “BDO Foundation, being a staunch advocate of financial education, also believes in the importance of investor protection. This shared project not only helps prevent Filipinos from falling victim to investment scams but also builds and restores confidence in legitimate investment opportunities.”