Rhea

Beautederm CEO Rhea Tan nakagugulat

Eugene Asis Mar 14, 2022
648 Views

Rhea1NAKAGUGULAT hindi lang ang yaman ng beauty and wellness brand Beautederm president-CEO na si Rhea Anicoche-Tan kundi ang sobrang pag-aalaga nito sa mga tao.

Ang karamihan sa kanyang mga empleyado ay mga dati pa niyang kasamahan sa isang appliance store na kanyang pinagtrabahuhan noon sa Baguio City kabilang na ang isang security guard.

In fact, dahil sa loyalty ng kanyang assistant, binigyan niya ito ng house and lot. Ang iba naman, nakatira sa hindi lang ilang bahay niya sa isang de-klaseng subdibisyon sa Angeles City kung saan naroon ang kanyang opisina at mga bodega. Yes, mga bodega na kinabibilangan din ng ilang bahay at isang building. Malapit na ring matapos ang isang 6-storey building na ipinatatayo niya sa gitna ng Angeles in a 1,000 square-meter lot na paglalagyan ng kanyang corporate office, at beauty clinic, ang BeauteHaus, kung saan maaring mag-avail ang customers ng facial, RF V-lift. Beautedrip, whitening at iba pa, ang Beautederm shop, isang coffee shop at ang A-List Avenue kung saan makabibili ng original top world brand apparels and bags tulad ng Hermes, Chanel, Louis Vuitton, Christian Dior, Balmain at iba pa.

Magkakaroon din ito ng isang chapel, isang indikasyon ng kanyang matinding pananampalataya sa Diyos.

Palakas nang palakas sa merkado ang Beautederm, at katunayan, mahigit 70 na ang celebrity endorsers ng naturang brand na kinabibilangan nina Marian Rivera at Dingdong Dantes, Bea Alonzo, Lorna Tolentino, Sylvia Sanchez, Andrea Brillantes, Maja Salvador at napakarami pang iba.

Sa NLEX, dominado ng Beautederm ang dami ng billboard kung saan iniendorso ng iba’t ibang celebrity ang kanyang mga produkto (beauty products and home essentials).

Paano ba nagsimula ang ganito kalaking negosyo?

“Sa P3,500 lang po,” ayon kay Rhea. “Tindera na po ako ng beauty products noon pa. Nagtatrabaho po ako sa isang appliance store, at the same time, DJ po ako sa isang radio station. Paglabas ko po ng trabaho, nagbebenta na ako at later, nasa radyo naman po ako.”

Ang Ilocano roots niya, mula sa kanyang nanay, ang maituturing niyang nagdala sa kanyang dugo na maging masinop sa buhay. At kahit ilang beses na siyang nadadapa sa pagnenegosyo, hindi siya tumigil kahit balik sa maliit ang kanyang puhunan.

Pero sa ngayon, alam niyang hindi na siya magkakamali. Malaki na ang isinugal niya hindi lamang pera kundi pawis at kaalaman sa pagpapatakbo nito at pakikisama sa mga tao.

“May mga pagkakataon po na naabuso po tayo, pero alam ko na po ang dapat gawin ngayon,” ani Rhea na kung sa pang-araw-araw lang na pakikisalamuha ay napaka-simpleng manamit, kumilos at makipag-usap.

Ang pagiging down-to-earth ni Rhea kahit nasa pedestal na ay tunay namang nakagugulat at bihirang makita.