Calendar
Bebot iniuugnay sa illegal na POGO, dinampot
INARESTO ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) nitong Huwebes ang isang babaeng Chinese na umano’y sangkot sa ilegal na POGO operations.
Kinumpirma ni BI Intelligence Division Chief Fortunato Manahan Jr. ang pagkakaaresto kay Pan Meishu, na kilala rin bilang Hannah, 49, sa loob ng isang hotpot restaurant sa Pasay City.
Ayon sa ulat, si Pan ay may kaugnayan sa ilegal na offshore gaming operations ng Zun Yuan Technology sa Bamban, Tarlac, na nauna nang sinalakay ng mga awtoridad dahil sa mga umano’y krimen at human trafficking activities.
Ang Zun Yuan, na dating kilala bilang Hongsheng Gaming Technology Inc., ay bahagi ng mga imbestigasyong konektado kay dating Bamban Mayor Alice Leal Guo.
Isinagawa ng BI, kasama ang mga puwersa ng gobyerno, ang operasyon matapos makumpirma ang presensya ng suspek sa lugar.
Pinuri ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang pagkakaaresto, at sinabi na ang operasyon na ito ay isa lamang sa marami pang isasagawa laban sa mga ilegal na dayuhang nagtatrabaho sa scam hubs.
“These companies doing illegal activities have no place in the country,” ani Viado. “Expect more arrests as we crackdown on illegal POGO operations,” dagdag niya.
Sinabi rin ni Viado na mananatili ang suspek sa kustodiya ng BI habang isinasagawa ang deportation proceedings.