Tigok

Bebot na OFW sinakal ng sinturon ng ka-live in, patay

Jon-jon Reyes Jul 3, 2024
22 Views

PATAY ang isang babaeng overseas Filipino worker (OFW) matapos sakalin ng sinturon ng kanyang kinakasama bunsod ng mainitang pagtatalo nila, Lunes ng gabi sa Malate, Manila.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si alyas “Flor” na 27-anyos, tubong Davao de Oro at nanunuluyan sa Barangay 704 sa Malate.

Samantala, kusa namang sumuko ang live-in partner nito at suspek na si alyas “Jhunrey” na 33-anyos, tubong Davao Del Norte at isang construction worker.

Sa ulat ni Police Captain Dennis Turla, ang hepe ng Manila Police District (MPD) Homicide Section, bandang 8:40 ng gabi nang mangyari ang krimen sa loob ng kuwarto ng dalawa.

Bago ang insidente, nag-iinuman umano ang dalawa nang biglang magkaroon ng mainitang pagtatalo at pagaaway na nauwi sa pananakal ng suspek sa biktima gamit ang isang sinturon.

Matapos ang insidente, nagsasagawa ang mga pulis ng imbestigasyon nang boluntaryong sumuko ang suspek at ini-report ang nangyari sa Manila Distaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) na siyang nagbigay naman ng impormasyon sa Adriatico Police Community Precinct ng MPD Malate Police Station 9.

Ang suspek ay nahaharap sa kasong homicide ayon sa imbestigador na may hawak ng kaso.