Bebot Ang suspek na nakorner ng NBI-SAU sa Ermita, Maynila. JONJON C. REYES

Bebot nag-aalok ng malaking tubo sa pekeng investment, dinampot

Jon-jon Reyes Sep 11, 2026
23 Views

Bebot1INARESTO ng National Bureau of Investigation-Special Action Unit (NBI-SAU) sa entrapment operation sa Ermita, Maynila ang isang babae dahil umano sa panghihikayat sa kanyang mga biktima na mag-invest gamit ang mga pekeng dokumento ng gobyerno.

Ang suspek na kinilala sa alyas na “YhaNg,” ay nadakip sa loob ng isang tanggapan ng gobyerno sa Zen Tower Building matapos tumanggap ng entrapment money mula sa mga undercover agents na nagpanggap na mga interesadong investor.

Nagsimula ang operasyon matapos ang magsumbong ang isang mamamayan hinggil sa Notice of Award (NoA) na ginagamit umano ng suspek upang ilegal na makalikom ng mga high-yield investments mula sa mga biktima.

Sa opisyal na pagpapatunay ng Department of Social Welfare and Development Field Office – National Capital Region (DSWD-NCR), napatunayang peke ang NoA at hindi ito nakalista sa kanilang procurement record.

Dahil dito, humingi ng tulong ang ahensya sa NBI upang mapigilan ang panloloko sa publiko at mapangalagaan ang integridad ng kanilang institusyon.

Nabatid sa imbestigasyon na nanghihikayat ng pondo ang suspek sa pamamagitan ng mga Facebook group.

Nangangako umano ng 10 porsyentong tubo sa mga investments. Sinasabi rin umano niya na ang kanyang kooperatiba, ang Welfare Employees Multipurpose Cooperative (WEMC), ay nakakuha ng malalaking kontrata mula sa DSWD-NCR.

Upang maakit ang mga biktima, ipinapakita niya ang isang Notice of Award (NoA) para sa isang proyekto ng gobyerno sa ilalim ng DSWD-NCR na nakapangalan umano sa kanya.

Kasunod nito, nakipag-ugnayan ang mga undercover agents sa suspek, kung saan muli nitong inialok ang kanyang investment proposal at nagpakita ng isa pang kontrata ng gobyerno.

Ang naturang dokumento ay kinumpirma rin ng DSWD-NCR na huwad at walang katotohanan.

Ang suspek ay nahaharap sa kasong Falsification by Private Individuals o paglabag ng Article 172 ng Revised Penal Code, na may kaugnayan sa Section 6 ng Republic Act No. 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012).

Muling nagbabala si NBI Director Atty. Melvin Matibag sa publiko sa mga kahina-hinalang high-yield investments na iniaalok sa social media.

Pinayuhan niya ang mga mamamayan na direktang i-verify sa mga kaukulang ahensya ang anumang claims na may kaugnayan sa transaksyon o solicitation ng gobyerno..