Calendar
OMMC nakapagbigay na ng libreng angioplasty sa 7 pasyente
MULA nang buksan ng Ospital ng Maynila Medical Center (OMMC) ang Cardiac Catheterization Laboratory, umabot na sa pitong pasyente ang libreng sumailalim sa angioplasty at 56 na angiograms sa loob ng isang taon.
Sinabi ni Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso na ang pang-pitong kuwalipikadong pasyente na sumailalim sa matagumpay na angioplasty procedure ay ang 70-taong gulang na Manilenyo.
Binigyang diin din niya na lumalaki ang kapasidad ng ospital na makapagbigay ng mga kritikal na operasyon sa puso ng hindi pinapasan ng mga pasyente ang gastusin na umaabot sa tinatayang P975,000 sa pribadong pagamutan habang ang angioplasty procedures ay umaabot ng mula P800,000 hanggang P1.5 milyon.
“Magkano po binayaran ng pasyente natin ngayon? Zero. Literally zero,” pahayag ni Mayor Isko Moreno.
Upang mapanatili naman ang programa at matiyak ang pagkakaroon ng mga kinakailangang kagamitan, sinabi ng alkalde na nagsubi siya ng aabot sa P25 milyong na standby fund para sa pagbili at pagmimintina ng kagamitan sa laboratory.
Binigyan din ng pagkilala ng alkalde ang medical team na nasa likod ng matagumpay na procedures na pinangungunahan ni Manila City Health Officer Dr. Grace Padilla, kasama ang mga interventional cardiologists, anesthesiologists, nurses at radiologic technologists.
