Guo2

BI agad nakipag-ugnayan sa Indonesia para maibalik Guo, Ong

Jun I Legaspi Aug 22, 2024
98 Views

2 kasama ni Alice Guo 5 p.m. Huwebes lumapag ng Pilipinas sakay ng PAL flight

KINUMPIRMA ni Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco na naibalik na sa bansa sina Sheila Leal Guo at Cassandra Li Ong, kahapon ng hapon.

Dumating ang dalawa sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 bandang 5:00 PM lulan ng Philippine Airlines flight PR 540 mula Jakarta, kasama ang operatiba ng intelligence division (ID) at fugitive search unit (FSU) ng BI.

Sinabi ng BI na agad silang nakipag-ugnayan sa kanilang mga counterpart sa Indonesia nang malaman na bumiyahe ang tatlong Guos at Ong noong Agosto 18.

Natanggap ng Indonesian Inteldakim Officer ng Batam Immigration Office ang kopya ng ulat at sinimulan ang imbestigasyon sa kinaroroonan ng grupo.

Lumilitaw sa intelligence information na ang grupo ay tinulungan ng isang Singaporean na lalaki na nag-book ng kanilang flight patungong Indonesia.

Paalis na umano sila sa Batam Island nang harangin sila ng Indonesian investigation team mula sa Directorate of Wasdakim at iprinoseso ang pagbabalik nila sa Pilipinas.

Sinusubaybayan ng mga ahente ng BI sina Guo at Ong at inihatid sila pabalik ng bansa.

Sinabi ni Tansingco na agad niyang ipinag-utos ang pag-aresto kay Guo dahil sa pagiging ilegal na dayuhan, habang si Ong ay huhulihin at kakasuhan ng National Bureau of Investigation.

Dagdag pa ni Tansingco na nakumpirma ang impormasyong nakalap na ilegal silang umalis ng bansa nang hindi sumasailalim sa regular na inspeksyon sa imigrasyon.