Calendar
BI agents tinimbog Koreano na wanted ng Interpol
INARESTO ng mga operatiba ng Bureau of Immigration-Fugitive Search Unit (BI-FSU) noong Mayo 14 ang Koreano na hinahanap ng mga awtoridad sa Korea at International Criminal Police Organization (Interpol) dahil umano sa paglabag sa National Sports Promotion Act ng South Korea.
Nagkasa ng operasyon sa 7th Avenue, Bonifacio Global City, Taguig ang mga otoridad kung saan naaresto ang 34-anyos na si Seong Jeonghu.
Ayon sa BI, si Seong ay may kasong isinampa sa Busan District Court.
Humiling ang mga awtoridad ng South Korea ng tulong sa pamahalaang Pilipino matapos na matukoy na pumunta si Seong sa Pilipinas upang takasan ang kanyang kaso.
Binanggit ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na ang naturang operasyon ay patunay ng patuloy na pakikipagtulungan ng Bureau sa mga pandaigdigang ahensiya ng batas upang matunton ang mga puganteng nagtatago sa Pilipinas.
“Hindi natin hahayaan na maging kanlungan ang Pilipinas ng mga dayuhang pugante na tumatakas sa hustisya sa kanilang bansa,” sabi ni Viado.
Si Seong ay dinala sa BI Warden Facility kung saan siya mananatili habang isinasagawa ang mga proseso para sa kanyang deportasyon.
