BI Source: Bureau of Immigration

BI: APIS kritikal na depensa sa mga hangganan ng bansa

Jun I Legaspi May 31, 2025
52 Views

BILANG pagsuporta sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na gawing moderno at mas ligtas ang mga hangganan ng bansa, iniulat ng Bureau of Immigration (BI) ang malaking progreso sa pagpapatupad ng Advance Passenger Information System (APIS)—isang digital na platform na nagbibigay-daan sa mga awtoridad na ma-screen ang mga biyahero bago pa man sila dumating, pinapalakas ang pambansang seguridad sa pamamagitan ng maagang pagtukoy sa mga posibleng banta.

Pinuri ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang inisyatiba, tinawag ang APIS bilang isang “kritikal na depensa sa mga hangganan ng bansa” at isang malaking hakbang sa digital na transformasyon at seguridad ng Pilipinas.

“Sa pamamagitan ng APIS, na-flag natin ang mga indibidwal na may mataas na panganib at nahaharang natin sila bago pa man sila makababa ng eroplano,” ayon kay Viado. “Ang ganitong proaktibong hakbang ay naaayon sa pangitain ng Pangulong Marcos para sa isang mas ligtas at mas seguradong Bagong Pilipinas, at pinagtitibay ang ating pangako sa internasyunal na kooperasyon at pampublikong kaligtasan.”

Mula nang magsumite ng datos ng pasahero ang Cebu Pacific bilang unang airline na gumamit ng APIS, 32 na alerto mula sa Interpol ang naitala ng sistema. Kabilang dito ang 26 na entry mula sa database ng Stolen and Lost Travel Documents (SLTD) at anim na alerto mula sa Nominal database, kung saan nakalista ang mga tumakas sa batas at mga indibidwal na may kaugnayan sa terorismo at mabibigat na krimen.

Kamakailan lamang, isang dayuhan—na hindi pinangalanan ng BI—ang naharang at hindi pinayagang makapasok sa NAIA Terminal 1 matapos siyang ma-flag ng sistema dahil sa Interpol blue notice. Ang indibidwal ay may kaugnayan sa kriminal na aktibidad sa ibang bansa, at agad na kumilos ang mga opisyal ng BI batay sa alertong ibinigay ng APIS.

Ayon kay BI APIS Operations Center (APOC) Chief Melvin Mabulac, patuloy ang pagiging mapagmatyag ng kanilang team upang masiguro ang pagtukoy at pag-neutralisa sa mga banta bago pa ito makarating sa Pilipinas sa pamamagitan ng bagong sistema.

As of May 28, apat na airline na ang ganap na na-integrate sa APIS: Cebu Pacific, Philippine Airlines, Kuwait Airways, at Etihad Airways.

Ang Singapore Airlines at China Airlines ay nasa pre-production phase at inaasahang magiging fully compliant sa mga susunod na linggo.

Aktibo rin ang BI sa pakikipag-ugnayan sa mga pangunahing stakeholder tulad ng Airline Operators Council (AOC), International Air Transport Association (IATA), at New NAIA Infrastructure Corporation (NNIC) upang mapabilis ang ganap na pagsunod ng buong industriya sa APIS.

“Sa bawat airline na sumasali sa APIS, lalo nating pinapalakas ang ating kakayahan na siguruhin ang ating mga hangganan at protektahan ang ating mamamayan,” dagdag ni Viado. “Ito ang ambag ng Bureau of Immigration sa ating hangarin na makamit ang Bagong Immigration, tungo sa kapayapaan at katatagan ng bansa sa ilalim ng Bagong Pilipinas.”