DA puspusan sa pagpapaunlad ng industriya ng hayop, panabong

Cory Martinez May 31, 2025
296 Views

PUSPUSAN ang pagsisikap ng Department of Agriculture (DA) para sa modernisasyon at mabantayan ang mga industriya ng hayop, feed mill at manok na panabong sa Pilipinas, ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.

Tiniyak ng kalihim ang aktibidad na ito sa kanyang talumpati sa mga stakeholders ng Philippine Livestock, Feed Mill and Gamefowl Congress sa San Jose, Batangas, na kilala bilang “egg basket” ng bansa.

Binigyang-diin ni Tiu Laurel ang pagtatatag ng mas matibay at produktibong sektor ng agrikultura sa harap ng mga pagsubok sa panahon, problema sa supply chain at pandaigdigang kompetisyon na alinsunod sa hangarin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

“Sa pamamagitan ng INSPIRE program ng Department of Agriculture, kasama na ang pinalawak na insurance para sa mga hayop, at mas malakas na mga hakbang sa pagkontrol sa African Swine Fever at avian influenza, gumagawa kami ng mga konkretong hakbang para sa modernisasyon at proteksiyon ng industriya.

Subalit hindi sapat ang aksiyon lamang ng gobyerno, kailangan namin ang inyong tulong,” ani Tiu Laurel.

Tinukoy ng kalihim ang mahalagang papel ng feed millers sa pagsuporta sa kalusugan ng mga hayop, nagbibigay ng hanapbuhay sa mga kanayunan at pagbuo ng matatag na merkado para sa lokal na produkto tulad ng mais.

Kinilala rin ni Tiu Laurel ang industriya ng panabong na manok at inilarawan ito bilang masiglang bahagi ng rural economy at nagpapanatili sa pamana ng kultura.

Habang umuunlad ang sektor, sinabi ng kalihim ang kahandaan ng gobyerno na makipagtulungan sa mga breeder upang maging propesyunal ang mga operasyon at masiguro ang responsable at pangangalaga sa mga hayop na nakabatay sa siyensiya.

Nagkakahalaga ng P790 bilyon ang livestock at poultry sector noong 2024 o tinatayang 3% ng gross domestic product.

Binigyang-diin pa ng kalihim ang mahalagang papel ng livestock at feed production ng Batangas na nagpapatatag ng mga komunidad.

“Higit sa kanilang imprastruktura, kilala ang Batangas dahil sa katatagan at kasipagan ng mamamayan. Ang mga katangiang ito ang kailangan para sa pagsulong ng sektor ng agrikultura,” dagdag pa ni Tiu Laurel.

Hinimok ng kalihim ang mga industry player na mamuhunan sa pagsasaliksik, palakasin ang mga magsasaka at isulong ang mga pagbabago.

“Gawin natin itong pagtitipon na ito bilang simula ng kolaborasyon, innovation at aksyon,” aniya.