Racist

BI dinampot Amerikano sa sa asal na ‘racist’, mapang-abuso

Jun I Legaspi Sep 30, 2026
105 Views

INARESTO ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Amerikanong national sa Barangay Balibago, Angeles City, dahil sa umano’y pagiging “undesirable alien” at paglabag sa batas ng imigrasyon ng Pilipinas, matapos ang naiulat na gulo sa isang mall.

Iniulat ni BI Intelligence Division Chief Fortunato S. Manahan, Jr. kay BI Commissioner Joel Anthony M. Viado ang pagkakaaresto sa nasabing dayuhan, 69, sa bisa ng Mission Order No. 2026-341 na inilabas noong Setyembre 24.

Batay sa ulat, nagkaroon ng altercation sa loob ng mall kung saan umano’y nagpakita ng mapang-abuso, racist, at derogatoryong asal ang dayuhan laban sa mga Pilipino.

Ayon sa mga saksi, tinawag pa umano niyang “hayop” ang isang lokal na babae, na nagdulot ng pangamba sa kaayusan at respeto sa mga mamamayan.

Ang dayuhan ay nahaharap sa deportation proceedings sa ilalim ng Section 3 ng Operations Order No. SBM-2014-048, dahil sa umano’y pag-insulto at paghamak sa mga Pilipino, at sa pag-uugaling nakikitang nakapipinsala sa interes, kaligtasan, at kaayusan ng publiko.

Kasabay nito, nahaharap din siya sa kasong imigrasyon dahil sa umano’y paglikha ng gulo sa isang establisimyento, paglabag sa kapayapaan, at pangha-harass sa mga lokal na mamamayan.

Natuklasan din ng BI na hindi siya nakasunod sa Section 5 ng Republic Act No. 562 (Alien Registration Act of 1950) matapos mabigong ipaalam sa Bureau ang pagbabago ng kanyang tirahan, gaya ng itinatakda ng regulasyon.

Matapos ang pagkakaaresto, dinala ang dayuhan sa BI Warden’s Facility sa Bicutan, Taguig City, kung saan siya mananatili habang dinidinig ang kanyang deportation case.

Pinaalalahanan ni Commissioner Viado ang mga dayuhan na naninirahan o bumibisita sa Pilipinas na igalang ang mga Pilipino, sumunod sa batas, at panatilihin ang mapayapang ugnayan sa lokal na komunidad.

“Ang Pilipinas ay bukas sa mga dayuhang nirerespeto ang ating mga tao at batas. Ngunit ang ating pakikipagkapwa ay hindi dapat abusuhin bilang pahintulot na mang-insulto o mang-harass ng mga Pilipino. Ang sinumang lalabag sa batas ng imigrasyon at sisira sa kaayusan ng publiko ay haharap sa kaukulang aksyon ng Bureau of Immigration, alinsunod sa batas at due process,” ani Viado.

Ayon sa BI, ang naturang enforcement action ay kaayon ng polisiya ng administrasyon na palakasin ang border management at immigration enforcement, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na magsagawa ng mahigpit na aksyon laban sa mga dayuhang lumalabag sa batas at regulasyon ng Pilipinas.

Muli ring pinaalalahanan ng Bureau ang mga dayuhan na tiyaking tama at napapanahon ang kanilang mga rekord sa imigrasyon, kabilang ang agarang pag-uulat ng anumang pagbabago sa tirahan.

Binigyang-diin ng BI na ang deportation proceedings ay patuloy na isinasagawa at ang kaso ay diringgin alinsunod sa batas at due process, na may pagkakataon ang nasasakdal na maipahayag ang kanyang panig.