Chinese Photo Bureau of Immigration

BI inaresto 3 Tsino na nahaharap sa iba’t ibang kaso sa Parañaque

Jun I Legaspi Aug 18, 2024
54 Views

INARESTO ng mga ahente ng Bureau of Immigration (BI) ang tatlong puganteng Chinese nationals na nahaharap sa mga kasong robbery, grave coercion, illegal detention, gun possession at illegal drugs trading noong Martes sa Brgy. Tambo, Parañaque City.

Kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang mga inaresto na sina Jun Chen, 28; Hongru Zhang, 26; at Hao Zhen, 27.

Inaresto ang tatlo sa bisa ng mission order na inilabas ng BI sa kahilingan ng Chinese government na nagpaalam sa BI tungkol sa presensya ng mga pugante sa bansa.

Sinabi ng BI chief na hindi pa maaaring i-deport ang tatlo dahil nahaharap pa sila sa mga kasong nabanggit na isinampa ng mga pulis sa Parañaque City prosecutor’s office.

Isinampa ang mga kasong kriminal matapos mailigtas ng mga pulis ang isang Vietnamese national na kinidnap at ikinulong ng tatlong Chinese nationals.

Ayon kay BI-FSU acting chief Rendel Ryan Sy, dalawa sa tatlong Chinese national ang subject ng arrest warrant na inisyu ng public security bureau sa Jinjiang, China at overstaying alien naman ang isa sa kanila.

Sinabi ni Sy na undocumented aliens na ang tatlo dahil kinansela na ng gobyerno ng China ang passport nila.

Pansamantalang nasa kustodiya ng Parañaque police ang tatlo habang nakabinbin ang pagresolba sa kanilang mga kasong kriminal.