Korean

BI inaresto 4 na Koreano dahil sa online gambling, panlilinlang

Jun I Legaspi Jul 7, 2025
343 Views

SA pakikipagtulungan ng mga awtoridad mula sa Korea, inaresto ng Bureau of Immigration (BI) ang apat na Koreanong wanted dahil sa online gambling at mga operasyon ng panlilinlang.

Ang mga pag-aresto ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyaking ligtas ang mga hangganan ng bansa at alisin ang mga dayuhang gumagamit ng Pilipinas upang takasan ang batas.

Noong Hunyo 25, inaresto ng Fugitive Search Unit (FSU) ng BI si Oh Kyoungchul, 42, sa Clark Freeport Zone, Pampanga.

Pinaniniwalaang siya ang lider ng sindikatong nag-operate ng ilegal na gambling video production sa Cebu mula 2016 hanggang 2018 na kumita ng humigit-kumulang 3.5 bilyon WON. May Interpol Red Notice at warrant of arrest mula sa Seoul Western District Court si Oh.

Nahuli naman si Yang Koo Youn, 39, sa pagiging overstaying sa bansa.

Inaresto rin si Jung Hoesung, 40, na wanted sa Korea dahil sa pagpapatakbo ng 23 ilegal na online gambling platforms na kumita ng mahigit 4 trilyon won.

Ayon sa ulat, nilinlang nila ang mga biktima upang magtrabaho sa Pilipinas, kinumpiska ang kanilang mga pasaporte at ginagamitan ng pananakot at pananakit.

Noong Hulyo 4, inaresto naman sa San Juan City si Han Jonghoon, 41, na umano’y finance team leader ng isang organisasyong kriminal na nagpapatakbo rin ng 23 gambling websites.

Ang tatlong suspek ay itinuturing na undesirable aliens at kasalukuyang nakakulong sa BI Warden Facility habang isinasagawa ang proseso ng deportasyon.

“Babala ito sa mga dayuhang kriminal. Kung gagamitin ninyo ang ating bansa para sa inyong mga ilegal na gawain, hahanapin namin kayo, aarestuhin, at ibabalik sa inyong bansa upang harapin ang hustisya.”