Japanese

BI inaresto Japanese na sangkot sa fraud

Jun I Legaspi Feb 9, 2025
20 Views

INARESTO ng Bureau of Immigration (BI) noong Pebrero 7 ang Japanese na umano’y hinahanap ng mga awtoridad sa Tokyo dahil sa telecommunication fraud.

Inaresto si Eiji Shigematsu, 48, sa Ayala Avenue, Bel Air Village, Makati City ng mga operatiba ng FSU (fugitive search unit) ng BI batay sa mission order laban sa Japanese.

“We will deport him and he will be blacklisted and banned from reentering the country,” sabi ni BI Commissioner Joel Anthony Viado.

Ayon kay BI-FSU chief Rendel Ryan Sy, inisyu ng Kajiki summary court sa Japan ang arrest warrant laban kay Shigematsu noong Hulyo 2024 matapos siyang kasuhan ng pagnanakaw sa ilalim ng Japanese penal code.

Si Shigematsu at ang kanyang mga kasabwat inakusahan ng pagpapatakbo ng mga voice phishing operation na nakapanloko ng marami sa kanilang mga kababayan.

Nagpapanggap umanong mga pulis ang Japanese at mga kasamahan niya upang manghuthot ng pera sa mga biktima.

Habang hindi bahagi ng ‘Luffy’ gang, naniniwala ang mga awtoridad na si Shigematsu at ang kanyang mga kasamahan nagpapatakbo ng katulad na scheme ng Luffy.

Dinala si Shigematsu sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang isinasagawa ang proseso ng deportasyon.

Nabuking din ang Japanese na overstaying na siya sa Pilipinas.