Calendar
BI inaresto Koreano dahil sa online gambling
NAARESTO ng mga tauhan ng Fugitive Search Unit (FSU) ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Koreano na sangkot sa ilegal online gambling sa Malate, Maynila noong Hulyo 8.
Ang operasyon ay bahagi ng kampanya ng BI na paigtingin ang mga hakbang sa pagpapatupad ng batas at palakasin ang pakikipagtulungan sa mga dayuhang ahensya, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand ‘Bong Bong’ Marcos Jr.
Nahuli ang suspek na si Lee Yong Jae, 46, sa tulong ng mga awtoridad ng Korea at Manila Police District Station 5 sa isang gusali sa Bocobo St., Brgy. 698, Malate.
Si Lee ay may Interpol Red Notice at hinahanap ng Seoul Bukbu District Court dahil sa pagpapatakbo ng mga baccarat websites na naglalayong makakuha ng users mula sa Korea at Pilipinas simula pa noong 2022.
Ayon sa imbestigasyon, mahigit ₱9 bilyon (KRW 215 bilyon) ang kinita mula sa kanyang operasyon gamit ang iba’t-ibang bank account at livestream mula sa mga hotel casino sa Southeast Asia.
Nakalista siya sa Blacklist Order ng BI mula Enero 16, 2025 at nasa Watchlist Order mula Oktubre 21, 2024.
Kasalukuyang nakakulong si Lee sa Ermita Police Station at nahaharap din sa kaso ng droga ayon sa Section 11 ng Republic Act 9165.
“Hindi tayo titigil hangga’t hindi nalilinis ang ating bansa mula sa mga puganteng kriminal,” ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado.

