BI Photo Bureau of Immigration

BI inaresto Vietnamese na wanted sa kidnapping, panggagahasa

Jun I Legaspi Mar 31, 2025
22 Views

KINUMPIRMA ng Bureau of Immigration (BI)na inaresto ng kanilang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang Vietnamese na wanted ng mga awtoridad sa kasong kidnapping at panggagahasa sa isang babaeng Tsino dalawang taon na ang nakalilipas.

Sinabi ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado na ang pasahero ay si Nguyen Hu Mai, 48, na naharang noong Marso 21 sa NAIA Terminal 3 habang sinusubukang tumakas patungong Saigon.

Sinabi ni Viado na agad na ipina-refer si Nguyen sa mga supervisor para sa secondary inspection matapos magbigay ng positibong resulta ang kanyang pangalan sa centralized derogatory database ng BI.

“Our supervisors were able to establish that the passenger and person appearing in our watchlist are one and the same,” sabi ni Viado. “He was thus stopped and arrested by our airport personnel,” dagdag pa niya.

Agad na itinurnover si Nguyen sa Border Control and Intelligence Unit (BCIU) ng BI at kalaunan ay inilipat sa detention facility ng bureau sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.

Ayon kay BI-BCIU Chief Ferdinand Tendenilla, si Nguyen ay nasa wanted list ng BI mula pa noong Marso 10, nang ang tatlo kasama na siya at dalawang Tsino ay isinailalim sa deportation dahil sa pagiging undesirable aliens matapos maging pangunahing suspek sa kasong kidnapping at panggagahasa.

Sa impormasyon noong Marso 2, 2023, nagtulungan ang tatlong banyaga sa pagdukot sa isang babaeng Tsino sa kanyang condominium unit sa Makati City at dinala ito sa isang liblib na lugar kung saan ilang beses nilang isinagawa ang panggagahasa sa biktima.

Iniulat din na humingi sila ng ransom na umaabot sa P4 milyon mula sa mga kamag-anak ng biktima kapalit ng kanyang pagpapalaya.

Sinabi ni Tendenilla na mananatili si Nguyen sa kustodiya ng BI hanggang malutas ang mga kasong kriminal laban sa kanya sa korte.

Kung siya ay mapapatunayan na nagkasala, kailangan niyang magsilbi ng kanyang sentensya bago siya mapadeport.

“He will also be placed in the immigration blacklist and banned from re-entering the country as a consequence of the deportation charge filed against him,” dagdag pa ni Tendenilla.(Jun I. Legaspi)