Calendar

BI iniligtas 3 biktima ng human trafficking
KINUMPIRMA ng Bureau of Immigration na tatlong Filipina na biktima ng human trafficking ang naibalik sa Pilipinas mula sa Malaysia.
Umalis ang mga biktima sa pamamagitan ng ilegal na rutang pandagat mula Palawan.
Ang repatriation sa mga biktima alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na paigtingin ang seguridad sa mga hangganan ng bansa at labanan ang human trafficking.
Ang tatlong babae, na may edad 30 hanggang 32, na-recruit online at pinangakuang magkakaroon ng trabaho bilang waitress sa Malaysia at may buwanang sahod mula P40,000 hanggang P60,000.
Pero pagdating sa Sabah, Malaysia, sapilitang pinagtatrabaho ang tatlo bilang mga guest relations officers (GROs) sa mga bar.
Dalawa sa kanila ay umalis ng Pilipinas noong Nobyembre 2024 sa pamamagitan ng backdoor o sa pamamagitan ng illegal at irregular migration corridor (IMC).
Sakay ng maliliit na bangka mula Palawan, tumawid ang tatlo patungong Malaysia upang makaiwas sa mga pormal na daanan ng imigrasyon.
Pagdating nila sa Sabah, dinala sila sa isang bar-restaurant kung saan sila naaresto ng Malaysian authorities dahil sa kakulangan ng legal na dokumento.
Ang dalawa nanatiling nakakulong sa Malaysia ng limang buwan bago na-deport at nai-turn over sa mga opisyal ng Pilipinas sa Port of Zamboanga noong Abril 5 sakay ng MV Antonia.
Ang isa sa mga biktima naghayag na siya’y unang na-traffic noong 2021 at paulit-ulit na naabuso mula noon.
Binigyang-diin ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang panganib ng ilegal na paglabas ng bansa at panlilinlang sa mga kababaihang Pilipina sa ilalim ng pekeng alok ng trabaho.
“Ang mga kababaihang ito ay naakit sa mga huwad na pangako, lihim na inilabas ng bansa at ipinasok sa mapang-abusong kalagayan sa ibang bansa,” ani Viado.
Nanawagan ang Bureau of Immigration sa publiko, lalo na sa mga nagnanais magtrabaho sa ibang bansa, na maging maingat sa mga online na alok at siguraduhing dadaan sa lehitimo at akreditadong mga proseso.
Ang sinumang may impormasyon ukol sa pinaghihinalaang human trafficking o ilegal na pag-recruit ay hinihikayat na tumawag sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) sa 24/7 Actionline 1343.