Chinese

BI naharang Tsino na hinahanap sa S. Korea dahil sa telecom fraud

Jun I Legaspi Nov 21, 2025
263 Views

NA-intercept ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Chinese national na hinahanap sa South Korea dahil sa malakihang telecommunications-based financial fraud, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na paigtingin ang seguridad sa hangganan at tiyakin na ang Pilipinas ay hindi nagiging daanan ng mga internasyonal na kriminal.

Ayon kay BI Interpol unit chief Peter de Guzman, na-intercept ng mga immigration officer si alias Zheng, 50, Chinese national na may asawang Pilipina at naninirahan sa bansa, nang tangkaing umalis noong Nobyembre 15 sa pamamagitan ng Philippine Airlines flight PR 2621 sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 patungong Takhmau, Cambodia.

Sa karaniwang departure formalities, natuklasan ng mga opisyal ang isang aktibong Interpol Red Notice na inilabas noong 2024 laban kay Zheng, na nagkumpirma sa kanyang pagkakakilanlan at kriminal na rekord. Agad siyang isinangguni sa mga duty supervisor para sa beripikasyon ng derogatory records.

Hinahanap si Zheng sa Republika ng Korea dahil umano sa telecommunications-based financial fraud na nagkakahalaga ng 1.46 bilyong Korean won (humigit-kumulang ₱62 milyon). Ayon sa mga awtoridad sa Korea, si Zheng, na kasapi ng isang sindikato, ay nakipagsabwatan upang magpanggap bilang mga imbestigador ng pamahalaan at linlangin ang mga biktima na isuko ang kanilang debit cards, iliquidate ang mga ari-arian, at kumuha ng mga pautang gamit ang kanilang bahay bilang kolateral. Ang mga nakuhang pondo ay kalaunang inilagak sa isang VIP junket account.

Nahaharap siya sa mga kaso sa ilalim ng Special Act on the Prevention of Loss Caused by Telecommunications-Based Financial Fraud and Refund for Loss, na may kaparusahan ng hanggang 10 taong pagkakakulong sa ilalim ng batas ng Korea.

Pinuri ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang kasigasigan ng frontline personnel, at binigyang-diin na lubos na nakahanay ang ahensya sa utos ng Pangulo.

“Ang interception na ito ay malinaw na patunay ng aming pagtupad sa mandato ng Pangulo: walang kriminal na makakahanap ng kanlungan o makakatakas sa ating mga hangganan,” ani Viado.

“Sa paggamit ng makabagong border systems at kasipagan ng ating mga opisyal, natitiyak na ang mga dayuhang pugante ay mahaharang bago pa man sila makalabas. Patuloy naming palalakasin ang aming seguridad at pangangalaga sa integridad ng ating mga hangganan.”

Si Zheng ay kasalukuyang nakadetine sa pasilidad ng BI sa loob ng Camp Bagong Diwa, Taguig, habang isinasagawa ang deportation proceedings.