Ulan

Iba’t ibang bahagi ng bansa makakaranas pa rin ng ulan

297 Views

TATLONG weather system ang patuloy na magdadala ng mga pag-ulan sa iba’t ibang bahagi ng bansa, ayon sa Pagasa nitong Biyernes ng hapon.

Sinabi ng Pagasa, ang shear line ay magdudulot ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na mga pag-ulan at pulu-pulong pagkidlat-pagkulog sa Cordillera Administrative Region, Cagayan, Isabela, Quirino, at Nueva Vizcaya.

Ang Northeast Monsoon ay magdadala ng maulap na papawirin na may mga pag-ulan sa Batanes at bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may pulu-pulong mahinang pag-ulan sa Rehiyon ng Ilocos.

Ang Intertropical Covergence Zone (ITCZ) ay magdudulot din ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na mga pag-ulan at pagkidlat-pagkulog sa Caraga, Northern Mindanao, Davao Region, SOCCSKSARGEN, at Palawan, at bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may pulu-pulong mga pag-ulan o pagkidlat-pagkulog sa nalalabing bahagi ng Mindanao.

Habang ang Quezon at Aurora ay magkakaroon ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na mga pag-ulan at pagkidlat-pagkulog, habang ang nalalabing bahagi ng bansa ay magkakaroon ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may pulu-pulong mga pag-ulan o pagkidlat-pagkulog dulot ng easterlies.

Ang mga posibleng flash flood o landslide ay maaaring mangyari sa ilang lugar bilang resulta ng nasabing kondisyon ng panahon.

Samantala, katamtaman hanggang sa malakas na hangin na may katamtaman hanggang sa maalon na tubig ang maasahan sa Luzon.

Ang nalalabing bahagi ng bansa ay makakaranas ng mahina hanggang sa katamtamang pag-ulan na may mahina hanggang sa katamtamang tubig sa baybayin.