Calendar

BI nahuli nakatakas na South Korean
MULING naaresto ng mga Bureau of Immigration (BI) agents ang umano’y puganteng South Korean na si Na Ikhyeon matapos makatakas ng limang araw noong Marso 4.
Naaresto ang suspek sa Brgy. Pampang, Angeles City, Pampanga kasama ang kanyang kasabwat na si Kang Changbeom.
Naaresto si Na sa operasyon ng Fugitive Search Unit at Intelligence Division ng BI sa pakikipagtulungan sa City Intelligence Unit, Police Station 4 Angeles, Regional Special Operations Unit PRO-3, PNP-Intelligence Group at Naval Intelligence and Security Group Northern Luzon.
Lumabas sa imbestigasyon na tinulungan ni Kang si Na sa pagtakas, batay sa CCTV footage at iba pang impormasyong nakalap ng mga awtoridad.
Dagdag pa rito, kinumpirma ng Korean National Police Agency na si Kang wanted din sa South Korea dahil sa kasong pandaraya.
Ang dalawang pugante, na itinuturing nang high-risk detainees, ililipat sa pasilidad ng BI sa loob ng Camp Bagong Diwa sa Taguig City.
Tatlong empleyado ng BI, dalawa ang contractual, na napatunayang sangkot sa pagtakas ni Na tinanggal na sa trabaho habang ang regular employee inisyuhan na ng termination paper.