Calendar

BI nakahuli ng 2 puganteng banyaga
INARESTO ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang banyagang pugante na pinaghahanap ng Interpol dahil sa pagkakasangkot sa matitinding krimen.
Kinilala ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang mga naarestong dayuhan na isang German at isang Korean national na naaresto sa Angeles City, Pampanga noong Marso 31, ayon sa BI-Fugitive Search Unit (FSU).
Ayon kay Viado, ide-deport ang dalawang banyaga at isasama sa immigration blacklist ng bansa at hind na muling papayagang makapasok sa Pilipinas dahil sa pagiging “undesirable aliens.”
“They were arrested pursuant to notices issued by the Interpol,” pahayag ni Viado.
Naaresto sa Brgy. Malabanias si Klaus Dieter Boekhoff, isang German, na nahaharap sa mga kasong may kaugnayan sa internet fraud sa kanyang bansa.
May warrant of arrest si Boekhoff na inilabas ng korte sa Bamberg, Germany noong Disyembre 5, 2024.
Inakusahan siya ng pagpapatakbo ng mahigit 100 pekeng online stores mula 2023 na nanloko sa hindi bababa sa 590 biktima at nagdulot ng kabuuang pagkalugi na aabot sa mahigit 81,000 euros.
Nagkukunwari si Boekhoff na nagbebenta ng mga produkto online ngunit wala naman talagang intensyong ihatid ang mga ito at kinamkam lamang ang bayad ng mga kostumer.
Ang Koreanong si Ryu Hoijong, 48, naaresto sa kanyang bahay sa Timog Park Homes, Angeles City. Si Ryu wanted sa South Korea dahil sa kasong pagnanakaw.
Ayon sa mga awtoridad sa Seoul, noong 2015 ninakaw ni Ryu at ng kanyang kasabwat ang isang sasakyang nagkakahalaga ng 40 milyong won, ipinarehistro ito sa ibang tao, at kalauna’y ibinenta nang ilegal.
Kasalukuyang nakakulong ang dalawang banyaga sa BI custodial facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang hinihintay ang kanilang deportation.