Korean Fugitives

BI nasakote 2 pugante mula S. Korea

Jun I Legaspi Sep 22, 2024
145 Views

INARESTO ng Bureau of Immigration (BI) agents noong Biyernes ang dalawang lalaking South Korean na itinuturing na pugante sa kanilang bansa.

Ayon kay BI Officer-in-Charge Commissioner Joel Anthony Viado, unang naaresto si Nam Sundong, 37, sa kanyang bahay sa Manuyo Dos, Las Piñas City ng mga miyembro ng BI fugitive search unit (FSU).

Wanted si Nam sa South Korea dahil sa pagtatayo ng mga pasugalan na labag sa batas sa naturang bansa.

Subject in siya ng Interpol red notice matapos maglabas ng warrant of arrest laban sa kanya ang Ulsan District Court noong 2023.

Inaresto rin ng mga ahente ng FSU si Lee Hyunhak, 23, sa Jose Abad Santos Avenue, Clark, Pampanga dahil sa drug smuggling.

Ayon sa report, nakipagsabwatan si Lee sa pag-import ng 480.85 gramo ng methamphetamine papuntang Korea. Tinatayang nagkakahalaga ng 500,000 Korean Won (P208,000) ang ipinalusot ni Lee.

Isang Interpol red notice rin ang inilabas laban kay Lee matapos mag-isyu ng warrant of arrest ang Busan District Court para sa kanya.

Kapwa kanselado na ang mga pasaporte ng dalawang Koreans ng gobyerno ng Korea.

Mananatili ang dalawa sa pasilidad ng BI sa loob ng Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig habang hinihintay ang kanilang deportasyon.