Calendar
BI natimbog puganteng dayuhan na lider ng int’l syndicate
TAGUMPAY para sa gobyerno at kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagkakaaresto sa puganteng Hapones na pinaniniwalaang lider ng transnational syndicate na nag-ooperate sa Asya, ayon sa Bureau of Immigration (BI).
Inaresto ng mga operatiba ng Fugitive Search Unit (FSU) ng BI noong Hunyo 4 sa Angeles City, Pampanga si Ryuji Yoshioka, 54, sa tulong ng Philippine Navy at Armed Forces of the Philippines.
“Ito ay isang mahalagang tagumpay hindi lamang para sa BI kundi para sa buong bansa,” ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado.
Pinaniniwalaang si Yoshioka ang lider ng JP Dragon Syndicate, isang kriminal na organisasyon sa Japan na sinasabing responsable sa malawakang pagnanakaw at telecom fraud operations sa Timog-Silangang Asya.
Ayon sa opisyal na komunikasyon mula sa Japan, may aktibong warrant of arrest si Yoshioka para sa kasong pagnanakaw sa ilalim ng Japanese Penal Code at idineklara bilang isang pugante sa hustisya.
Ang kanyang presensya sa bansa, ayon sa mga awtoridad, isang seryosong banta sa pampublikong kaligtasan at pambansang seguridad.
“Ang indibidwal na ito ay isang pangunahing miyembro ng isang internasyonal na grupong kriminal,” binigyang-diin ni Viado.
Ayon sa BI records, huling dumating sa bansa si Yoshioka noong 2022 at hindi na umalis mula noon.
Matapos siyang arestuhin, sumailalim siya sa karaniwang proseso ng booking at dinala sa pasilidad ng BI para sa pansamantalang piitan habang naghihintay ng deportasyon.
Ang pag-aresto kay Yoshioka ay nagpapakita ng patuloy na pagsisikap ng administrasyong Marcos sa pagpapalakas ng seguridad sa hangganan ng bansa at paglaban sa mga transnasyunal na sindikato ng krimen.

