BPIA

Operasyon ng BPIA ipapasa sa Aboitiz; CAAP ready na

Jun I Legaspi Jun 6, 2025
327 Views

NAGHAHANDA ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) para i-turnover ang operasyon at pamamahala ng Bohol-Panglao International Airport (BPIA) sa Aboitiz InfraCapital.

Ang paglipat na ito, sa ilalim ng pangunguna ng Department of Transportation (DOTr) sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., bahagi ng mas malawak na inisyatiba upang mapabuti ang operasyon ng paliparan at serbisyo sa mga manlalakbay.

Noong Hunyo 5, bumisita si CAAP Director General Raul Del Rosario kasama si Deputy Director General for Administration Atty. Danjun Lucas at iba pang opisyal ng CAAP sa BPIA upang ipahayag ang kanilang pasasalamat sa mga empleyado ng paliparan para sa kanilang pagsisikap at kontribusyon sa pag-unlad nito.

Tiniyak ni Director General Del Rosario na ang mga empleyadong lilipat sa Aboitiz InfraCapital makakatanggap ng mas magandang oportunidad sa karera at mas pinahusay na mga benepisyo.

Samantala, ang mga magpapasyang manatili sa CAAP patuloy na susuportahan sa pamamagitan ng paglipat sa ibang paliparan, kabilang ang itinatayong Bukidnon airport.

Muling iginiit ng CAAP na ang transisyong ito alinsunod sa PPP framework na matagumpay na ipinatupad sa Mactan-Cebu, Clark, Caticlan, Laguindingan, at NAIA.

Ang modelong ito naglalayong mapabilis ang pagpapaunlad ng imprastraktura, mapahusay ang karanasan ng mga pasahero at makapagbigay ng pangmatagalang kita para sa gobyerno.