Koreano

BI tiniklo Koreano na involved sa telecom fraud

Jun I Legaspi Sep 30, 2025
298 Views

INARESTO ng mga operatiba ng Fugitive Search Unit (FSU) ng Bureau of Immigration (BI) noong Setyembre 25 sa Newport Boulevard, Pasay City ang isang umano’y Koreanong pugante na sangkot sa telecom fraud sa South Korea.

Naaresto si alyas Hong, 24, na matagal nang hinahanap ng mga awtoridad sa Korea dahil sa kasong pandaraya sa telekomunikasyon at money laundering.

Ayon sa report, 58 biktima na ang naloko ng humigit-kumulang 50 milyong Korean won (P2 milyon). Ayon sa ulat, miyembro si Hong ng sindikato na nagko-convert ng ilegal na kita sa piso o cryptocurrency.

Kinumpirma ng Interpol Red Notice na may bisa ang warrant of arrest laban kay Hong na inilabas ng Suwon District Court sa Korea.

Huling pumasok si Hong sa Pilipinas noong Abril 2024 bilang pansamantalang bisita. Nag-expire ang kanyang awtorisadong pananatili noong Nobyembre 2024 at walang naitalang aplikasyon para sa extension ng visa, kaya’t itinuturing siyang overstaying alien bukod pa sa pagiging pugante.

“Ipinapakita ng kasong ito kung paanong ang mga sindikato ng pandaraya ay maaaring makapanloko ng maraming tao,” pahayag ni BI Commissioner Joel Anthony Viado.