Vargas

“Bidet” sa pang-publiko, pribadong establishments iminungkahi

Mar Rodriguez Nov 25, 2023
229 Views

ISINUSULONG ni House Assistant Majority Leader at Quezon City 5th Dist. Cong. Patrick Michael “PM” D. Vargas ang kampanya para sa “public health” at ang pagkakaroon ng maayos na kapaligiran sa pamamagitan ng paglalagay ng “bidet” sa lahat ng pribado at pang-publikong establishments sa bansa.

Ipinaliwanag ni Vargas na ang itinutulak nitong “public health” sa pamamagitan ng kaniyang panukalang paglalagay ng “bidet” sa mga pribado at pang-publikong lugar sa Pilipinas ay kaugnay sa promotion o pagsusulong naman ng “clean water and sanitation” para sa mga Pilipino.

Sinabi ni Vargas na kinakailangang mapanatili ang pagkakaroon ng isang maayos, malinis at ligtas na palikuran o restroom sa buong bansa sa pamamagitan ng paglalagay ng “bidet” para hindi magmukhang “dugyot” o nakakadiri ang isang comfort room (CR) pribado man o pang-publiko.

Binigyang diin ni Vargas na may mga palikuran sa ilang bahagi ng bansa ang nakakadiri o nakakabaliktad ng sikmura ang itsura dahil sa kawalan ng “bidet” o maayos na water system. Habang ang iba naman CR ay hinahayaan na lamang sa ganoong kalagayan o hindi nililinisan.

Dahil dito, ipinahayag ni Vargas na isinulong nito ang House Bill No. 8959 o ang “Bidet in Every Public Toilet Act” upang magkaroon ng isang malinis na palikuran ang bawat lugar sa bansa. Kung saan, ang pagkakaroon umano ng “bidet” ay hindi lamang isang basic amenity kundi simbolo ng pag-unlad.

Nakapaloob sa panukalang batas ng kongresista na inaatasan o inoobliga ang bawat Siyudad at Munisipalidad sa pamamagitan ng mga commercial establishments sa kami-kanilang lugar na maglagay ng “bidet” sa kanilang CR na makakatulong din para mabawsan ang paggamit ng toilet paper.

“We can only accelerate change if we make drastic changes in the current system. Putting comfort in comfort rooms is a public service Filipinos deserve as culturally, we use water and soap instead of tissue paper in restrooms and providing adequate sanitation is significant stride towards cleaner, healthier and dignified citizenry,” paliwanag ni Vargas.