Ayuda

Biktima ng bagyo sa Batangas nakatanggap ng P110M ayuda mula kay PBBM

Chona Yu Nov 4, 2024
12 Views

AABOT sa P110 milyong halaga ng ayuda ang ipinamigay ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga nasalanta ng bagyong Kristine sa Batangas.

Sa talumpati ni Pangulong Marcos sa Laurel, sinabi nitong makatatanggap ng tig P10 milyon ang Laurel, Talisay, Agoncillo, Cuenca, Lemery at Balete.

Namigay din ang Office of the President ng tig P10,000 sa 4,378 piling beneficiaries.

“Ang Tanggapan ng Pangulo, sa pamamagitan ng DSWD, ay magbabahagi ng animnapung milyong piso na tulong sa anim na munisipalidad ng Batangas, kasama ang bayan ng Laurel. Maghahandog po tayo ng tig-sampung libong piso sa mga piling mangingisda at magsasaka para kayo ay makapagsimulang muli,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Aabot aniya sa P6 na milyong halaga ng housing materials ang ibinigay ng Metrobank Foundation, Inc.

“Namahagi rin tayo ng mga materyales para sa pagpatayo ng bahay mula sa donasyon ng Metrobank,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Nagpasalamat si Pangulong Marcos sa tulong ng pribadong sektor.

“Nagpapasalamat ako sa lahat ng tumutulong at nagpakita ng kanilang kakayanan para sa kapakanan ng ating kapwa. Salamat ulit sa Metrobank at iba pang pribadong sektor na nagbigay ng mga donasyon at patuloy na tumutulong sa lahat ng mga naapektuhan ng bagyo,” pahayag ni Pangulong Marcos.

“Sama-sama po tayong magtanim ng pag-asa at magtulungan para sa mas ligtas, handa, at progresibong Bagong Pilipinas,” dagdag ng Pangulo.