NHA

Biktima ng lindol binigyan ng P12M ng NHA

Jun I Legaspi Oct 11, 2025
179 Views

NAMAHAGI ang National Housing Authority (NHA) ng P12.37 milyon cash aid sa ilalim ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP) sa 1,085 pamilyang naapektuhan ng lindol sa San Remigio, Cebu kamakailan.

Bilang kinatawan ni GM Joeben Tai, nagpahayag ng pagasa si Assistant General Manager Alvin Feliciano na makatutulong ang financial assistance para sa pagpapabuti ng kalagayan ng mga benepisyaryo.

“Bilang bahagi ng pagsunod sa direktiba ng ating Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at ni NHA General Manager Joeben A. Tai, agaran po naming inihatid ang EHAP dito sa inyong lugar upang kayo po ay matulungan. Kalakip nito ang pag-asa na maibsan ng cash assistance ang mabigat na pasanin na dulot ng nagdaang kalamidad,” sabi ni AGM Feliciano.

Sa mga benepisyaryo, 76 na pamilya na ang mga bahay ay lubos na nasira ay nakatanggap ng tig-P30,000; habang 1,009 pamilya na bahagyang nasira ang mga bahay ay nakatanggap ng P10,000, na may kabuuang P10,090,000.

Ang bawat benepisyaryo ay tumanggap ng P10,000 para sa mga bahay na partially damaged at P30,000 para sa mga totally damaged, base sa validation ng NHA 7.

Magsasagawa pa ng mga EHAP distributions ang NHA sa susunod na mga linggo para sa iba pang biktima ng lindol at bagyo.

Ang EHAP ay isa sa mga kasalukuyang programa ng NHA na nagbibigay ng tulong pinansyal sa mga pamilyang naapektuhan ng mga sakuna tulad ng bagyo, sunog, lindol at baha. Layunin nitong tulungan ang mga benepisyaryo na makapagsimulang muli sa pamamagitan ng pagsasaayos ng kanilang mga tahanan.