Calendar
Brigadier General Nestor C. Babagay Jr
Bilang ng krimen sa Bicol bumaba ng 7.12%
ANG mas pinaigting na pagpapatupad ng 5-Minute Response Program ng Police Regional Office 5 (PRO5), alinsunod sa kautusan ni Philippine National Police (PNP) Chief General Nicolas D. Torre III simula Hulyo 16, ay nagresulta sa makabuluhang pagbaba ng 7.12 porsyento sa mga insidente ng krimen sa rehiyon ng Bicol, ayon sa ulat nitong Huwebes.
Batay sa mga tala, mula Hulyo 16 hanggang Agosto 16 ng kasalukuyang taon, nakapagtala ang PRO5, sa pamumuno ni Brigadier General Nestor C. Babagay Jr., ng kabuuang 1,722 krimen, na mas mababa ng 132 kaso kumpara sa 1,854 insidente sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Ayon sa opisyal mula sa PNP Academy ‘Patnubay’ Class of 1995, “Ang maagap at maagkilos na tugon ng mga yunit ng pulisya—na dumarating sa loob ng limang minuto mula sa distress calls—ay isang malaking tagumpay sa pagpigil ng kriminalidad at agarang pagresponde.”
Sinabi ni Brig. Gen. Babagay na tiniyak niyang maipatupad sa rehiyon ang tatlong pangunahing estratehiya ni Gen. Torre na sumasalamin sa pangakong mabilis, tumutugon, at makataong serbisyo sa publiko.
“Ang kapansin-pansing pagbaba ng krimen ay tuwirang bunga ng 5-minute response time strategy. Napipigilan na ngayon ang mga kriminal dahil alam nilang mabilis makakarating ang pulisya, habang mas ligtas at mas kumpiyansa namang humihingi ng tulong ang ating mga komunidad,” dagdag pa ng opisyal.
Sa parehong panahon, mas pinaigting rin ng PRO5 ang kampanya laban sa ilegal na droga, na nagresulta sa pag-aresto ng 114 target na personalidad at kumpiskasyon ng tinatayang ₱15.072 milyon halaga ng shabu at pinatuyong dahon ng marijuana.
Kabilang sa nakumpiskang ilegal na droga ay tinatayang 2.3 kilo ng shabu, na tinaguriang “poor man’s cocaine.”
Sa kampanya naman laban sa mga wanted na personalidad, naaresto ang 350 indibidwal na may standing warrant of arrest para sa iba’t ibang kaso ng kriminalidad. Kabilang dito ang: 16 na Regional Most Wanted Persons (MWPs), 17 Provincial MWPs, 8 City MWPs, 28 Municipal MWPs, at 281 Station Level MWPs.
Noong Agosto 18, mas pinatibay pa ng PRO5 ang pakikipag-ugnayan nito sa komunidad sa pamamagitan ng pakikipagpulong sa mahigit 300 opisyal ng barangay, at mga kinatawan mula sa iba’t ibang Non-Governmental Organizations (NGOs), force multipliers, advocacy groups, at mga kaagapay na ahensya ng gobyerno.
Ang nasabing Collaborative Stakeholders Forum ay isinagawa upang ganap na hikayatin ang mamamayan at mga katuwang ng PRO5 na makipagtulungan sa lokal na pulisya, sapagkat ang kapayapaan at kaayusan ay responsibilidad ng lahat.
Ayon kay Brig. Gen. Babagay, ang pagbaba ng mga kaso ng krimen sa rehiyon ay bunga ng kanilang 5-minute response initiative, na patunay ng dedikasyon ng PRO5 sa mas episyenteng pagpupulis at aktibong pakikipag-ugnayan sa komunidad.
“Habang ipinagpapatuloy natin ang ganitong momentum, ang PRO5 ay magpapatuloy sa pagpapalakas ng 5-minute response framework upang masigurong mas mabilis na serbisyo ng pulisya, mas matatag na operasyon, at mas ligtas na mga komunidad. Kasama ang ating mga katuwang, ating gagawin ang Bicol na mas payapa at mas maunlad na rehiyon,” pagtatapos niya.

