Riders Source: LTO FB page

LTO pinadalan ng SCO 19 riders sa sangkot sa drag racing

Jun I Legaspi Aug 21, 2025
334 Views

SA utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na tiyakin ang kaligtasan ng lahat ng motorista, inilagay ng Land Transportation Office (LTO), sa ilalim ng pamumuno ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, sa alarm status ang 19 motorsiklo na sangkot sa drag racing sa bypass road sa San Rafael, Bulacan.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, ipinatawag ang lahat ng rehistradong may-ari ng mga motorsiklo sa pamamagitan ng show cause order (SCO) na inilabas ng ahensya.

Nakumpiska ang 19 motorsiklo at batay sa ulat ng pulisya, ang mga indibidwal na sangkot sa motorcycle exhibition pero walang helmet, walang dalang lisensya at wala pang plaka ang mga motorsiklo.

Lalong ikinagalit ni Asec. Mendoza ang ulat na kabilang sa ilegal na karera ang hindi bababa sa 12 menor de edad at mayroon pang batang pitong taong gulang.

Batay sa ulat ng Philippine National Police–Highway Patrol Group (PNP-HPG), umabot sa 12 katao ang inaresto habang 12 menor de edad, na nasa edad pito hanggang 16, ang na-turn over matapos ang operasyon sa Mabalas-Balas–Galas–Maasim Bypass Road noong Agosto 17.

“Hindi natin palalampasin ito, lalo pa at isinagawa ang operasyon dahil may aksidenteng nangyari dun at may naaksidente pa silang bata nung tumatakas sila para makaiwas sa mga pulis,” dagdag pa niya.

Sa inilabas na SCO na pirmado ni LTO-IID Chief Renante Melitante, inaatasan ang mga may-ari na magpaliwanag kung bakit hindi sila dapat papanagutin sa mga paglabag tulad ng Duty to Have License, Reckless Driving, Failure to Wear Protective Helmet, Driving a Motor Vehicle without a License Plate, at Improper Person to Operate a Motor Vehicle.

Inaatasan ang mga rehistradong may-ari na humarap sa LTO Central Office sa Quezon City sa Agosto 27.