Calendar
Bill sa reporma sa PCG aprubado sa 2nd reading ng Kamara
INAPRUBAHAN sa ikalawang pagbasa ng Kamara de Representantes ang House Bill No. 11562 na naglalayong magpatupad ng mga reporma sa polisiya at organisasyon ng Philippine Coast Guard.
Dumalo si Romblon Rep. Eleandro Jesus “Budoy” Madrona sa deliberasyon ng House Committee on Appropriations hinggil sa House Bill No. 426 o “An Act Strengthening the Philippine Coast Guard by Introducing Policy and Organizational Reforms” na inakda ng kongresista kasama ang 14 pang kaugnay na panukalang batas.
Matapos ang talakayan sa pagitan ng mga may-akda ng panukala, mga mambabatas at kinatawan ng mga ahensiya ng pamahalaan, inaprubahan ng komite ang panukala.
Sa deliberasyon, binigyang-diin ang lumalawak na tungkulin ng PCG sa pagpapanatili ng kaligtasan sa karagatan, pagtatanggol sa teritoryo ng bansa, pangangalaga sa kapaligirang pandagat at pagpapatupad ng mga batas sa karagatan.
Binigyang-diin din sa mga pahayag ng mga nagsusulong ng panukala ang pangangailangang maisakatuparan ang mga repormang matagal nang naantala sa mga nakaraang Kongreso.
Nagbigay naman ng kani-kanilang pananaw ang mga kinatawan ng mga ahensiya hinggil sa mga posibleng epekto ng panukala sa operasyon at gastusin ng pamahalaan.
Ipinahayag ng DOTr ang buong suporta nito sa panukalang batas. Samantala, naglahad ang DBM ng mga konsiderasyong may kaugnayan sa badyet at nagmungkahi ng unti-unting pagpapatupad ng mga reporma upang matiyak na kakayanin ng pamahalaan ang kinakailangang gastusin.
Isa rin sa mahahalagang usaping tinalakay ang kapakanan ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard, kabilang ang kanilang sahod at benepisyo sa pagreretiro.
Nanawagan si PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan para sa makatarungang sahod at mga benepisyo sa pensyon para sa mga kasalukuyang tauhan ng Coast Guard at mga retirado nito.
Ipinakita ng panawagang ito ang kahalagahan ng pagbibigay ng sapat na suporta sa mga tauhang nangangalaga sa kaligtasan ng mga mamamayan at nagtatanggol sa karagatan ng bansa.
Bago ganap na maisakatuparan ang mga repormang nakapaloob sa panukala, kinakailangan pa ang kaukulang pagsusuri sa pagpopondo at mga posibleng mapagkukunan ng karagdagang kita ng pamahalaan.
Kabilang dito ang pagsusuri ng House Committee on Appropriations sa mga pondong kakailanganin para sa pagpapatupad ng mga reporma, gayundin ang pagtalakay ng House Committee on Ways and Means sa mga posibleng mapagkukunan ng kita upang suportahan ang mga ito.

