Cong. Madrona

Kahalagahan ng pamilya, paggalang sa tao binigyang diin ng kongresista

Mar Rodriguez Oct 24, 2026
17 Views

BINIGYANG diin ni Romblon Rep. Eleandro Jesus Madrona ang kahalagahan ng pagpapahalaga sa pamilya, paggalang sa dignidad ng tao at pagbibigay ng patas na serbisyo publiko sa kanyang pagdalo sa tatlong araw na “Gender and Development (GAD) Sensitivity Training” para sa mga empleyado ng San Agustin.

Ipinagdiwang din ang Family Day celebration bilang bahagi ng paggunita sa ika-34 na National Family Week.

Sinabi ni Cong.  Madrona na ang Family Day ay hindi lamang pagkakataon upang magsama-sama at magdiwang ang mga miyembro ng pamilya, kundi mahalagang panahon upang pagnilayan kung paano mapangangalagaan ang kanilang kalagayan at kapakanan.

Iniugnay rin ng kongresista ang pagpapahalaga sa pamilya sa mga prinsipyo ng GAD, partikular ang paggalang sa dignidad ng bawat isa, pagbibigay ng pantay na pagkakataon, at pagtiyak na ang lahat ng mamamayan ay makatatanggap ng patas na serbisyo mula sa pamahalaan.

Ang malasakit na ipinakikita sa loob ng pamilya ay dapat ding pairalin sa paglilingkod sa publiko.

Kung paano minamahal, inaalagaan, at ipinaglalaban ng isang tao ang kapakanan ng kanyang pamilya, gayundin dapat ang pagpapahalaga sa komunidad na kanyang pinaglilingkuran.

Hinimok din ni Madrona ang mga lokal na opisyal na maging sensitibo sa kalagayan ng kanilang mga nasasakupan upang makabuo ng mga programang angkop sa pangangailangan ng bawat sektor ng komunidad.

Kabilang sa mga pangunahing pangangailangang dapat bigyang-pansin ang sapat na suplay ng tubig, edukasyon, maayos na mga kalsada, imprastraktura, at iba pang serbisyong makatutulong sa pagpapabuti ng pamumuhay ng mga mamamayan.

Binigyang-halaga rin ng kongresista ang patuloy na pakikipag-ugnayan ng mga lingkod-bayan sa mga kinauukulang tanggapan upang matukoy ang mga suliranin ng komunidad at makahanap ng mga konkretong solusyon para sa kapakinabangan ng publiko.

“Kung paano ninyo minamahal, pinangangalagaan, at ipinaglalaban ang inyong pamilya, ganoon din ninyo dapat mahalin, pangalagaan, at ipaglaban ang San Agustin,” pahayag ni Madrona.