Abad Kinilala ni MPD Chief PBGen. Arnold Abad (kaliwa) ang suspek sa panghoholdap at panggagahasa sa mga masahista sa Pasay City, matapos matimbog ng mga operatiba ng Binondo Police Station 11, sa pamumuno ni PLt. Col. Inocencio Richard Villanueva, sa Adriatico Street, Malate, Manila.

Binata dinampot sa panghoholdap ng 13 masahista, paggahasa sa 2

Jon-jon Reyes Nov 4, 2025
310 Views

SWAK sa rehas na bakal ang 24-anyos na binata na isa sa mga positibong suspek sa panghoholdap at panggagahasa sa mga masahista o therapists sa loob ng isang massage parlor sa Pasay City matapos maispatang gumagala sa kahabaan ng Adriatico Street, Malate, Manila, gabi ng Miyerkules.

Kinilala ang suspek na si alyas “Christian” na drayber at naninirahan sa Pasay City.

Ayon sa report ng pulisya, bandang 11:30 ng gabi nang sitahin ito ng mga tauhan ng Warrant and Intelligence Section, sa pangunguna ni PLt. Meynard Umali Vargas, at PCapt. Tom Jay P. Fallar, ang chief ng Intel Section, sa ilalim ng pangangasiwa ni PLt. Col. Inocencio Richard A. Villanueva, station commander ng Manila Police District (MPD) Police Station 11, upang magsagawa ng validation sa nasabing lugar.

Dahil dito, nakumpirma ng pulisya ang suspek at inihain sa kanya ang arrest warrant para sa krimeng robbery with rape na inisyu ni Presiding Judge Remiebel Unica Mondia ng Regional Trial Court Branch 110, Pasay City, na may petsang Oktubre 10, 2025, at walang piyansang inirekomenda.

Base sa karagdagang imbestigasyon at nakalap na impormasyon, ang suspek ay isa sa positibong kinilala ng mga biktima mula sa isang photo identification ng pulisya.

Hinoldap ng mga suspek ang 13 masahista at dalawa sa mga biktima ang ginahasa sa loob ng isang massage parlor sa Pasay City nitong nakalipas na dalawang buwan. Mabilis na tumakas ang mga suspek gamit ang isang motorsiklo.

Dahil dito, ang suspek ay kabilang sa talaan ng Top 1 Most Wanted Person (Station Level). Ito’y kasalukuyang nakakulong sa Custodial Facility ng Binondo Police Station 11 sa MPD.