Lolo

‘NANG-MANYAK’ NA LOLO, 77, ARESTADO

Edd Reyes Nov 4, 2025
227 Views

SA tinutuluyang bahay natunton ng pulisya ang 77-anyos na lolo na ilang ulit umanong minanyak ang menór de-edád na biktima sa Taguig City.

Isinilbi ng mga tauhan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Randy Arceo kay alyas “Reynaldo” ang warrant of arrest na inilabas laban sa kanya ni Taguig Family Court Presiding Judge Byron Gabbuat San Pedro ng Branch 15, matapos matunton sa kanyang tirahan dakong alas-4:50 ng hapon.

Sa ulat kay Arceo ni P/Lt. Col. Ricky Sumalde, acting Force Commander ng District Mobile Force Battalion (DMFB), nakatala bilang Top 5 Most Wanted Person ng Taguig Police Station ang suspek na inakusahang gumawa ng ilang ulit na kalaswaan sa dalagitang kanyang biniktima.

Nagtakda naman ang hukuman ng piyansang P200,000 para sa kasong qualified sexual assault, habang kabuuang P432,000 para sa apat na bilang ng qualified acts of lasciviousness in relation to Republic Act No. 7610, o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act, na katumbas ng P108,000 sa bawat bilang, para sa kanyang pansamantalang paglaya.

Ipiniit muna ang akusado sa Custodial Facility ng Taguig Police Station habang hinihintay pa ang utos ng hukuman para sa paglilipat sa kanya sa Taguig City Jail.