PCSO

Binatang negosyante isa sa nanalo ng P142.5M GrandLotto jackpot

323 Views

ISANG 40-anyos na binatang negosyante ang nanalo ng kalahati ng P142.5 milyong jackpot prize ng GrandLotto 6/55 sa bola noong Enero 7.

Ayon sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) lumipad sa Maynila ang nanalo na mula sa Cagayan de Oro. Dalawa ang nakakuha sa winning number combination na 44-13-19-33-27-39 sa nabanggit na bola.

Kuwento ng nanalo, ang mga numero ay kanya lamang nakursunadahan.

“Ginuhit-guhitan ko lang po yung mga kursunada kong numbers at sa awa ng Diyos binigay nya sa akin ang blessings na ito sa loob ng halos 15 years kong pagtaya sa lotto,” sabi ng nanalo.

Sinabi ng nanalo na may 15 taon na itong tumataya subalit hindi umano ito madalas at kalimitan ay kapag malaki lamang ang jackpot prize

“Ipang-pupuhunan ko ito sa aking business at sa wakas meron na din budget para sa pagpapakasal namin ng aking fiancé,” sabi pa nito. “Pagkakataon ko na po i-share yung biyaya na natanggap ko. Gusto ko po tulungan yung mga binaha po sa amin lalo na po yung mga taga Misamis Occidental.”