Acop Antipolo City Rep. Romeo Acop

BIR bumuo ng task force para busisiin ang buwis ng mga influencer

21 Views
Gutierrez
House Deputy Speaker David “Jay-Jay” Suarez

BANTAY-SARADO na ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang mga social media influencer pagdating sa kanilang buwis.

Isiniwalat ng ahensya na bumuo na sila ng isang task force para i-audit ang tax compliance at bayad ng mga content creator sa bansa.

Sa pagdinig ng tri-committee sa Kongreso nitong Biyernes, kinumpirma ni Atty. Ron Mikhail Uy ng BIR ang hakbang na ito matapos tanungin ni Antipolo City Rep. Romeo Acop tungkol sa pagbubuwis sa social media personalities.

Matatandaan na sa huling pagdinig, inatasan ng tatlong-komiteng panel ang BIR na magsumite ng listahan ng mga influencer na nagbabayad ng buwis at kung magkano na ang kanilang naibayad.

“We have already created a specialized body… a task force dedicated to investigating social media influencers, and consequently for issuing letters of authority for further tax audit,” sabi ni Uy.

Ayon sa kanya, may listahan ang tri-comm ng 27 social media personalities na dapat busisiin ng ahensya. Pero inamin niyang hindi ito madali.

“We have investigated their accounts and most of them are registered indeed. But considering that they use their… they are not a company, your honor. Some of the influencers, their names are similar to other taxpayers. One of them has been tagged for 17-18 names,” paliwanag ni Uy.

Samantala, tinanong ni Deputy Speaker David “Jay-Jay” Suarez ng Quezon kung nagbabayad ba ng buwis sa Pilipinas ang malalaking social media platforms tulad ng Facebook, YouTube, Instagram at X (dating Twitter).

Sagot ni Uy, bilang “non-resident foreign corporations,” dapat lang silang magbayad ng buwis sa kita nila mula sa bansa.

“But are they actually paying?” tanong muli ni Suarez.

“Your honor, we will check with our operations and submit the data next week,” tugon ng abogado.

Humarap din sa hearing ang ilang influencer at content creator. Tinanong sila kung nagbabayad ba sila ng tamang buwis. Isa sa kanila, si dating Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, ang agad sumagot ng “oo.”

Sa isang rebelasyon, sinabi pa ni Acop na may isang sikat na influencer ang umano’y kumikita ng hindi bababa sa P5 milyon kada araw.

Tuloy-tuloy ang pagsisiyasat ng BIR sa isyung ito.