Rubio

BOC chief Rubio pag-iibayuhin kampanya vs smuggling

176 Views

NANGAKO si Customs Commissioner Bienvenido Rubio na lalo pang pag-iibayuhin ng kanyang ahensya ang kampanya laban sa smuggling upang maprotektahan ang mga lokal na industriya.

Ginawa ni Rubio ang pahayag matapos na makapagsampa ng 65 reklamo ang BOC sa Department of Justice laban sa mga smuggler noong unang quarter ng 2023.

Sa naturang bilang ay 49 reklamo ang may kaugnayan sa tangkang pagpuslit ng mga produktong agrikultural sa bansa.

Bukod sa hindi pagbabayad ng buwis, sinabi ni Rubio na maaaring may dalang panganib sa kalusugan ang mga smuggled na produkto.

Samantala, sa bisa ng Letter of Authority (LOA) na pirmado ni Rubio, nagsagawa ng inspeksyon ang mga tauhan ng BOC kasama ang mga pulis sa isang warehouse sa Guiguinto, Bulacan.

Nasa warehouse umano ang iba’t ibang uri ng electronic device gaya ng Smart TV, laminating machine, mga computer unit at iba’t ibang spare parts na pinaniniwalaang iligal na ipinasok sa bansa.

Ikinandado ng BOC ang warehouse habang patuloy na isinasagawa ang imbestigasyon upang malaman kung papaano naipasok ang naturang mga kargamento at inihahanda ang pagsasampa ng reklamo.